PatrolPH

Bus sumalpok sa concrete barriers sa EDSA

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2023 12:55 AM

MAYNILA — Nawasak ang pinto at bintana sa harapan ng isang EDSA Carousel bus matapos ito tumama sa hilera ng mga concrete barrier sa southbound ng EDSA sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Bumibiyahe ang bus sa bus lane at papalapit sa North Avenue station pasado alas-6 ng gabi nang sumalpok ito sa mga harang.

Nasira rin ang isang pampasaherong jeep na natamaan ng mga tumapon na barrier. 

via CG ASN Moh Allan Tanjilil

Walang nasaktan sa insidente, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sabi ng driver na si Brando Tumbale, nawalan siya ng kontrol ng manibela.

“Bigla na lang kumabig ‘’yong manibela pakanan. Hindi ko na mabawi. Kaya nabangga ang barrier,” aniya.

“Mabagal lang ang takbo ko. Malapit na kasi kami sa bus stop kaya siyempre menor na ako. Tapos bigla na lang kumabig.”

Nang mahatak ang bus, nadiskubre naman ng mga rumisponde mula sa MMDA na natanggal ang giya o tie rod na dumudugtong sa manibela at sa axle o ehe.

Watch more News on iWantTFC

Sabi ni Tumbale, nalaman na lang niya ang sira matapos ang insidente.

Sumikip ang traffic sa southbound lane ng EDSA mula Muñoz papuntang North Avenue dahil sa banggaan. Napilitang bumiyahe sa EDSA ang mga bus para lagpasan ang nasirang bahagi ng mga barrier.

Ayon sa MMDA Metrobase, muli nang nadaanan nang diretso ang bus lane pasado alas-8 ng gabi.

Itinabi naman ang bus para dalhin sa Quezon City Police Traffic Sector 1 para sa patuloy na imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.