Dahil sa ingay ng motorsiklo: 1 patay, 1 sugatan sa away-magkapitbahay sa Las Piñas na nauwi sa pamamaril

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2021 05:45 AM | Updated as of Feb 11 2021 06:44 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Pinaghahanap ng Las Piñas City police ang isang 71-anyos na lalaki na suspek sa pamamaril sa 2 niyang kapitbahay sa BF Resort Village sa Bgy. Talon Dos, Las Piñas City Miyerkoles ng hapon.

Ayon kay Police Col. Rodel Pastor, hepe ng Las Piñas City police, nagreklamo ang suspek na si Ernesto Francisco sa ingay ng motorsiklo na dumaan harap ng bahay niya sa Abrille Street bandang tanghali. 

May pagawaan ng motorsiklo sa kalapit na bahay ang biktimang si Ricky Dimatulac, 50 anyos.

Sabi ng pulis, nagkaroon ng komprontasyon sina Francisco nang magreklamo siya kina Dimatulac at sa kaibigan nitong si Dominic Duclayan, 38 anyos.

Ayon kay Kagawad Tony Garcia ng Bgy. Talon Dos, binatukan ni Francisco si Duclayan at sinubukang mamagitan ni Dimatulac, pero maya-maya naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan sila.

Tumakas sakay ng kanyang SUV si Francisco.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Dimatulac na tatlong beses tinamaan ng bala. 

Patuloy namang inoobserbahan sa ospital si Duclayan na natamaan sa tagiliran.

Narekober ng SOCO ang 4 na basyo ng bala mula sa 9mm na baril.

Nananawagan naman ang mga kamag-anak ng biktima sa publiko na makipag-ugnayan sa kanila sa nakakita sa sakay ng suspek na silver Ford Everest na may plakang ZSH 124.

Sa may impormasyon, maaaring tumawag o magpadala ng text message sa (0917) 321-1386 o (0932) 205-0827.