MAYNILA – Viral ang post ng CEO ng isang travel agency matapos pasukin ng mga magnanakaw ang kanyang condo unit sa Cubao.
Ayon kay Angely Dub, CEO ng Access Travel and Tours, aalis na muna siya ng bansa dahil sa takot matapos ang nangyari.
Noong isang linggo ay kumalat sa social media ang posts ni Dub kung saan idenetalye niya ang nangyaring pagnanakaw sa kaniyang condo unit, na inakala niyang ligtas at may maayos na seguridad.
Kuwento ni Dub, papauwi na sana siya sa condo noong Sabado pero naisipan niyang umuwi na lang sa kanilang bahay sa Cavite.
Pagsapit ng Linggo, nakatanggap siya ng mensahe mula sa management ng Amaia Skies Cubao para ibalita ang nangyari.
Nakasaad sa post ang mga reklamo ni Dub laban sa condo, lalo't wala raw CCTV sa hallway ng condo, na pinaniniwalaan sana niyang makakaresolba sa kaso.
Maging ang dating gumagana umanong CCTV sa may fire exit ay hindi raw gumana noong gabing iyon.
Mas natakot pa siya dahil nang pumunta siya sa condo, nakita niya na ang kanyang mga underwear ay nasa kusina na at may mga upos ng sigarilyo.
Nasa mahigit P1 milyon daw ang nawala sa kanyang condo, kabilang ang mga camera na ginagamit niya sa vlog at ang kanyang drone, kasama ng iba pang alahas.
Ayon sa QCPD, patuloy ang kanilang imbestigasyon sa pangyayari.
Samantala, nagbigay na ng pahayag ang Amaia Skies na pagmamay-ari naman ng Ayala Land.
Tumutulong na umano sila sa imbestigasyon at nagpatupad na rin ng mas mahigpit na seguridad sa condo.
–Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV PATROL, TV PATROL TOP, krimen, Cubao, Ayala Land, Amaia Skies, Angely Dub, crime, pagnanakaw, robbery