PatrolPH

ALAMIN: DepEd may online tutorial para sa mga kailangan ng tulong sa modules

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2021 05:13 PM

ALAMIN: DepEd may online tutorial para sa mga kailangan ng tulong sa modules 1
Sa Facebook umeere ang online tutorial program na alok ng Department of Education para sa mga magulang at estudyanteng nangangailangan ng gabay sa learning modules. Screengrab mula sa DepEd official Facebook page

May online tutorial program na alok ang Department of Education para sa mga magulang at estudyanteng nangangailangan ng gabay sa mga learning module habang nagpapatuloy ang distance learning ngayong coronavirus disease (COVID-19) pandemic. 

Ito ang ETULay, na mga serye ng mga educational video na ipinalalabas sa mga Facebook live sa DepEd Philippines page araw-araw. Dito, ipinapakita ang iba't ibang aralin para sa Kinder hanggang Grade 12. 

Hawak ito ng Educational Technology Unit (ETU), na nakapailalim sa Information and Communications Technology Service (ICTS) office ng ahensiya. 

Ayon sa ICTS, may average na 500,000 views ang kada session ng programa simula nang ilunsad ito nitong Enero 4. Pinakamataas na naitala ang 1.2 million views para sa isang session. 

Layon nitong tugunan ang mga hamong kinakaharap sa distance learning, ayon kay ICTS director Abram Abanil. 

"Ito iyong attempt namin to address iyong mga naririnig namin na problems with regards sa implementation ng basic education learning continuity plan natin, in particular iyong blended learning. 
Napansin namin, may kulang in terms of specifically orienting iyong mga parents, kung paano nila i-guide o tulungan iyong kanilang mga anak dito sa ating situation ngayon na wala nang face-to-face classes," ani Abanil. 

Modules mula Calabarzon ang ginamit sa pilot implementation ng online tutorial, na may medium of instruction na Tagalog, Cebuano at Ilocano. 

Paliwanag ni Abanil na magagamit pa rin ito ng mga estudyante sa ibang rehiyon dahil nasa DepEd Commons naman ang modules, kung saan matatagpuan ang learning resources mula sa iba't ibang lugar. 

Dagdag niya, nakabase sa "most essential learning competencies" ang lahat ng modules kaya't tiyak na matututunan pa rin ng mga estudyante ang kanilang required competencies. 

Pero aniya, kung visuals ang pag-uusapan ay mas mainam gamitin ang DepEd TV. Pero kung teacher-student interaction naman ang prayoridad, mas inirerekomenda ang online tutorial dahil puwedeng magtanong sa comments section ang mga mag-aaral. 

"Ginagamit namin ang language na nakasanayan ng mga magulang saka ng mga bata. So kung tingnan mo, mas relaxed actually ang atmosphere, so mayroong 20 minutes of discussion tungkol sa self-learning module. Tapos iyong isa sa primary advantage talaga, mayroong interaction with the parents and the learners," ani Abanil. 

"Right there and then, kung hindi naintindihan ng bata iyong topic, pwede silang magtanong sa teacher na nagde-deliver nung ETULay session," dagdag niya. 

Para kay Abanil, magandang pagkakataon ang pagkakaroon ng nasabing plataporma upang matuto at makapag-bonding ang mga magulang at kabataan. 

Malaki rin aniya ang pasasalamat ng DepEd sa mga magulang, na itinuturing na katuwang sa edukasyon. 

"I think itong situation dito sa COVID-19 na nangyari ngayon, nakita natin iyong mga weaknesses sa ating education system. Masyado tayong nagre-rely sa mga teachers pagdating sa pag-deliver ng education. When, as a matter of fact, kung titingnan mo ang education talaga, ang pagtuturo sa ating mga kabataan is community effort iyan," ani Abanil. 

"Hindi lang iyan trabaho ng Department of Education. Trabaho rin iyan ng ating mga magulang saka ng ating mga community leaders," dagdag niya. 

Matatandaang suspendido ang face-to-face learning habang may pandemya, at humahantong ngayon sa distance learning - o halong offline at online learning - sa bahay ang mga estudyante. 

Inaasahang mananatili ang online tutorial habang may distance learning, at malaki ang posibilidad na ituloy ito kahit pa matapos na ang pandemya dahil magagamit pa rin ang mga aralin sakaling bumalik na ang face-to face-classes. 

"Ang Department of Education, at this point, actually nasa self-reflection mode kami ngayon. Alam namin na hindi ito ang last crisis na haharapin ng Department of Education kaya iyong mga learnings namin na nakukuha during this crisis, kung paano mag-respond to this crisis," ani Abanil. 

"Nandyan na iyong mga materials, puwedeng i-review ng mga bata iyong mga materials na ginawa under ETULay. Also it makes us more resistant or resilient sa mga future na mga crisis. Kung sakaling magkaroon ng bagyo, or pumutok ulit iyong mga bulkan or earthquakes, ma-suspend ang classes, madali tayong makapag-shift to itong online learning using ETULay, using iyong DepEd TV, and using iyong mga online classes natin," dagdag niya. 

Plano ng DepEd na dagdagan ang mga aralin at lengguwaheng tampok sa ETULay. 

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.