Ulat na nakukuha sa hangin ang novel coronavirus pinabulaanan

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 08:15 PM

Watch more in iWantTFC

Pinabulaanan ng kinatawan ng World Health Organization (WHO) sa bansa ang mga lumalabas na ulat sa China na airborne o maaaring makuha sa hangin ang novel coronavirus.

Walang sapat na ebidensiyang nakikita ang organisasyon para kumpirmahing airborne ang novel coronavirus, ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, WHO representative sa Pilipinas.

"We've heard the rumours, we don't have evidence to support that. Our evidence is that it's still largely a droplet infection," aniya.

Sa ngayon, nananatiling 3 ang taong nagpositibo sa virus sa bansa, pero ang isa rito ay na-discharge na mula sa ospital matapos 2 beses magnegatibo sa test para sa virus habang ang isang babae naman ay nakabalik ng China bago magpositibo.

Ang isang lalaking pasyente, na kasintahan ng babaeng na-discharge, naman ay pumanaw.

May 5 Pinoy naman mula sa isang barkong naka-quarantine sa Yokohama, Japan ang nahawahan.

Ayon kay Abeyasinghe, hindi kataka-takang madaling naipasa ang virus sa mga tao sa barko.

"Some of these people were in close contact with the early cases before the cases were confirmed," sabi niya.

Ayon din kay Abeyasinghe, nakakakita na sila ng unti-unting pagbaba ng kaso ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease sa labas ng Wuhan, ang lungsod sa China na pinagmulan ng virus.

"We may be at the beginning of a decreasing trend," aniya. 

Nakapagbigay na ng reagents ang WHO sa Pilipinas, na makatutulong sa pag-test kung positibo o hindi sa acute respiratory disease ang mga patient under investigation. Nasa 1,500 pasyente ang kayang i-test ng ibinigay na supply.

Kung kukulangin, handa pang magbigay ang WHO ng pang-test para sa 3,000 pasyente.

Ang coronavirus galing Wuhan ang pinakabagong uri mula sa isang pamilya ng mga virus na nagdudulot ng mga impeksiyon at sakit sa paghinga.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.