'Parte ng buhay': Ilang komunidad ibinahagi kung paano natulungan ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 07:36 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Sa gitna ng bantang ipasara ang ABS-CBN, ibinahagi ng ilang komunidad at residente kung paano sila natulungan ng Kapamilya network sa pang-araw-araw nilang buhay. 

Tuwing hapon, tinututukan ng ilang miyembro ng komunidad sa Tondo, Maynila ang mga programa ng ABS-CBN. 

Ang isang bahay, nakatutok sa "It's Showtime" ; mayroon namang bahay na "Cinemo" naman ang sinusubaybayan. 

At ngayong nasa Hong Kong para magtrabaho ang lahat ng anak ng mananahi na si Baby Mallari, libangan niyang panoorin ang mga programa rito. 

"Paggising ko binubuksan ko na ang telebisyon. Sa ABS-CBN ko nilalagay. Nanonood ako dire-diretso. Habang nananahi ako, nakafocus ang makina ko sa telebisyon," ani Mallari. 

Personal din umano ang kaniyang pagiging malapit sa ABS-CBN, na nakatulong umano sa mga anak niyang makahanap ng trabaho sa bisa ng mga Kapamilya job fair.

"Nagpunta sila sa agency ganoon tapos sabi ng anak ko 'Yong ABS-CBN sila 'yong nakatulong sa amin," ani Mallari. 

Tinututukan din ni Mallari ang panonood ng Kapamilya network kaya naman ikinalungkot ni Mallari ang posibleng pagpapasara ng ABS-CBN. 

Sa ngayon, nakabinbin pa sa Kongreso ang mga panukalang layong i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, na mapapaso na sa katapusan ng Marso; habang nakapaghain ng quo warranto si Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na layong huwag i-renew ang lisensiya ng ABS-CBN. 

Inalala ng isa pang residenteng si Weng ang mga araw na bago pa lang ang ABS-CBN, gaya ng pagnood niya sa studio. 

"Umaga pa lang ng buhay mo napapanood ang balita sa umaga hanggang makatulog sa gabi. Nakakalungkot na hindi mo na makikita sa ere," aniya. 

Kaya sakaling mawala ang Channel 2, matinding kalungkutan naman umano ang tatama kina Baby at Weng. 

Watch more in iWantTFC

Isa sa naging libangan naman ni Anna Besa ang pagpanood ng Kapamilya noon time show na "It's Showtime" magmula nang magkaroon siya ng malubhang sakit sa bituka. 

"Noong nasa ospital po ako ng apat na buwan, talagang 'It's Showtime' talaga ang inaabangan ko kasi iyong nakakalimutan kong may sakit ako. Naging positibo iyong pananaw ko nang napapanood ko sila," ani Besa. 

Pero bukod dito, hinatiran din siya ng tulong ng Lingkod Kapamilya foundation nang makaranas ng mga suliranin, taong 2017. 

Kaya naman hindi niya maipinta ang mundo nang wala ang ABS-CBN. 

Gaya ni Besa, malaki rin ang pasasalamat ng ilang hinatiran ng tulong sa medical at surgical missions ng foundation, gaya ng libreng shunt operation sa mga batang may hydrocephalus

"Mahirap sa nanay na naririnig na binubully 'yong anak mo. Malaki po ang pasasalamat ko," ayon sa magulang na si Jonalyn Valdez. 

Handa rin ang ABS-CBN tuwing giyera at kalamidad gaya ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal. 

"Hindi dapat ipasara. Dahil sa laki ng tulong na ibinibigay ng ABS-CBN lalo na sa aming barangay," ayon kay Nelson Dimayuga, residente ng Balete, Batangas. 

Sa ano mang situwasyon ng mga Kapamilya, handa ang ABS-CBN na maghatid ng serbisyo at saya, bilang paninindigan sa layuning: "In the service of the Filipino." -- Ulat nina Doris Bigornia at Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.