Operasyon ng ABS-CBN puwede pang ituloy kahit mapaso ang franchise?

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 09:00 PM | Updated as of Feb 11 2020 09:31 PM

Watch more in iWantTFC

Puwede pa ring magpatuloy ang operasyon ng ABS-CBN kahit pa hindi aprubahan sa Marso ang prangkisa ng network, ayon sa ilang eksperto at mambabatas. 

Sa kabila ito ng pangamba na magsasara ang kompanya, sakaling mapaso ang prangkisa nito pagkatapos ng Marso 30. 

Ayon kay Atty. Rudolph Juralbal, tagapagsalita ng Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas, maaari pa ring gumamit ng ibang platform ang network matapos ang franchise expiry. 

"A company can act as a content provider and provide contents in different platforms whether digital or even broadcast platforms matagal na yan nangyayari, Puwedeng sa ibang network mag-content provider ang ABS-CBN 'yong mga teleserye nila dun nila i-broadcast pwede 'yon," ani Juralbal sa panayam sa DZMM. 

Maaari aniyang magpatuloy ang operasyon ng ABS-CBN kapag nag-aplay para sa franchise renewal bago pa man mapaso ito. 

"For as long as the franchise holder or the permit holder has applied for renewal before the expiration of the permit or the franchise then the permit or franchises is deemed extended until it is expressly denied or granted as the case may be," ani Juralbal 

"Puwedeng sa ibang network mag-content provider ang ABS-CBN 'yong mga teleserye nila dun nila ibroadcast pwede 'yon," dagdag niya kalaunan. 

Umaga ng Lunes nang pormal na hilingin ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang prangkisa ng broadcast network, sa bisa ng quo warranto petition.

Dahil ito sa umano'y paglabag ng ABS-CBN sa ilang terms and conditions ng prangkisa ng ABS-CBN Corporation at subsidiary nitong ABS-CBN Convergence. 

Hindi pa tinatalakay sa Kamara ang ilang panukalang batas na layong ma-renew ang lisensiya para makapag-operate ang kompanya.

Watch more in iWantTFC

Pero sang-ayon ang ilang mambabatas na maaari pang mag-operate ang kompanya ngayong may mga nakabinbin na batas na layong ipa-renew ang prangkisa ng ABS-CBN. 

"Basta as long as may naka-file na bill, it is deemed extended until matapos 'yung 18th Congress at hindi pa rin hini-hear," ayon kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III. 

"It has happened so many times with other franchises. That is the operation of law... If it is not approved until March of 2022, that is the only time it is terminated," dagdag niya. 

Hindi naman daw ibig sabihin na agarang ipapasara ang network kapag nag-expire ang prangkisa, ayon kay Isabela 1st District Rep. Antonio Albano. 

"The rule of thumb in the committee, we were briefed on this while this 18th Congress is ongoing, hindi po titigil ang services ng ABS-CBN hanggang po matapos ang 18th Congress," Albano told reporters.

Watch more in iWantTFC

Sa pahayag ng broadcast network, nanindigan silang wala itong nilabag sa batas. 

Tinalakay agad sa en banc session ng Korte Suprema ang petisyon at sumang-ayon ang mga mahistrado ng korte na bigyan ng 10 araw ang dalawang kompanya para sagutin ang mga paratang, ayon sa tagapagsalitang si Brian Hosaka. 

Pero nilinaw ng mga source ng ABS-CBN News sa Korte Suprema na hindi ito nangangahulugang tinatanggap na ng korte ang kaso dahil may mga nagsasabing sa Regional Trial Court dapat isampa ang petisyon. 

Wala ring inilabas na temporary restraining order laban sa Kapamilya Box Office, ang TV Plus channel ng ABS-CBN na ipinatitigil ni Calida dahil bawal umanong maningil sa free-to-air television at wala raw ito sa prangkisa ng ABS-CBN. 

Sa kabila ito ng paglilinaw ng network na inaprubahan ng gobyerno ang pay-per-view - na sinang-ayunan pa raw ni Justice Secretary Menardo Guevarra. 

Pero sagot ng ABS-CBN, ang PDR ay hindi shares of stock at ang may-ari nito ay walang karapatang bumoto.

Rehistrado din at aprubado ng Securities and Exchange Commission (SEC) at Philippine Stock Exchange ang PDRs ng ABS-CBN, gaya rin ng PDR ng GMA Network.

Nauna na ring sinabi ni dating SEC chair Teresita Herbosa na inaprubahan ng SEC ang PDR ng ABS-CBN.

Ayon sa KBP, wala pang nangyayari sa kanilang kasaysayan na may prangkisang hindi naaprubahan. 

Panahon pa ni dating Pangulong Benigno Aquino III hindi na binigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN. 

Hindi rin pinansin ang mga ni-refile na franchise application hanggang matapos ang kaniyang termino. 

Ngayon, may 10 panukala para sa prangkisa ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin ito dinidinig. 

'HIGIT PA SA PRANGKISA' 

Pero ayon sa mga media organization at ilang politiko, higit pa sa usapin ng prangkisa ang pagpapatanggal nito lalo na't nasa 10,000 kabuhayan ang nakasalalay rito. 

Ayon kay Laguna 3rd District Rep. Sol Aragones, kapakanan ng mga empleyado ang isinaalang-alang nila sa pagsulong ng bagong prangkisa. 

"Marami kasi sa ABS mag-asawa na... Talagang diyan na iniasa kahit paano ang kinabukasan ng kanilang mga anak, ang kakainin sa pang-araw-araw, pang-tuition at pagplano sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Para silang nangangapa sa dilim at hindi nila alam kung anong nagiintay sa kanila matapos ang March 30," ani Aragones, dating journalist sa network. 

Binatikos naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate si Pangulong Duterte sa hakbang. 

"He will be remembered na siya yung cause why 8,000 11,000 employees of ABS-CBN and their dependents will be out of work after March 30. He will be remembered as the President na ginamit yung kaniyang power just to get back to his perceived critics because he was personally slighted sa ginawa sa kaniya," ani Zarate. 

Maaalalang paulit-ulit ding binatikos ni Duterte ang network dahil sa umano ay pagtanggi ng kompanya na iere ang kaniyang campaign advertisement noong 2016 halalan.

Para kay Bise Presidente Leni Robredo, panggigipit at pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan ang pagtanggal ng prangkisa. 

"Kung nagagawa ito sa pinakamakapangyarihang network sa ating bansa, gaano pa katagal para magawa ito sa iba pang mas maliliit na network, sa mga pahayagan at istasyon ng radyo, at pati na sa sari-sarili nating mga social media feed, upang madiktahan tayo ng kung ano ang totoo at mahalaga?" ani Robredo. 

Dumami rin ang pumunang media organizations sa hakbang. 

Para sa Photojournalist Center of the Philippines, dapat idaan sa tamang proseso sakaling may reklamo si Pangulong Rodrigo Duterte sa network. 

"If Pres. Rodrigo Duterte has a grievance on the network, the courts are the proper venue... and if ABS-CBN committed lapses in its 25 years holding the franchise, then the congressional hearings are the venue," ayon sa PCP. 

Para naman sa Concerned Artists of the Philippines, malinaw na handa ang gobyerno na isakripisyo ang kabuhayan ng mahigit 10,00 empleyado ng ABS-CBN at kanilang mga pamilya para makontrol ang media sa Pilipinas. 

"The regime will sacrifice the economic welfare and security of media industry workforce... in its whimsical act of retaliation and its thirst for control," anila. 

-- Ulat nina Ron Gagalac, RG Cruz, at Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.