Motorcycle rider na nangmomolestiya ng mga babae sa Maynila tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 06:32 PM | Updated as of Feb 11 2020 07:38 PM

Nakuhanan ng CCTV ng Barangay 611 sa Santa Mesa, Maynila ang panghihipo ng isang motorcycle rider sa isang babae.

Tinutugis ng mga pulis ang isang lalaking motorcycle rider na nangmomolestiya ng mga babae sa Santa Mesa, Maynila.

Nakuhanan ng closed-circuit television (CCTV) ng Barangay 611 sa Santa Mesa ang lalaki na nanghipo sa maselang bahagi ng katawan ng isang 18 anyos na biktima noong Pebrero 3.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kita sa video ang paghinto ng lalaki sa pagmamaneho ng motorsiklo para magpanggap umanong naliligaw at nagtatanong ng direksiyon sa biktima, na noo’y galing sa eskuwelahan.

Nasampal at nasipa pa ng biktima ang lalaki, na mabilis naman nakatakas.

Walang plaka ang motorsiklo ng lalaki.

Ayon kay Santiago Barcenas, chairman ng Barangay 611, dayo sa lugar ang lalaki.

Nabatid din ng mga awtoridad na may unang insidente rin ng isang babaeng hinipuan ng isang lalaking nakamotorsiklo sa parehong lugar.

Hinigpitan na ang pagroronda ng mga tanod sa barangay.

Sinusuri na ngayon ng mga tauhan ng Manila Police District ang mga kuha ng CCTV para makilala at matunton ang lalaki. -- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.