Kasabwat ng 'drug queen' ng Maynila nakatakas

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 11:13 AM

MANILA — Nakatakas sa mga awtoridad ang umano'y kanang-kamay ng dating barangay chairwoman na "drug queen", na sinasabing nagbebenta ng mga bawal na gamot na nakumpiska ng ilang tiwaling pulis. 

Pinuntahan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang bahay ni Carlo Delfin Fernandez alyas Chicky, na umano'y pinagkakatiwalaan ni Guia Gomez Castro, sa Barangay 368 sa Sta. Cruz sa Maynila, pero hindi ito naabutan ng awtoridad doon.

Sa kabila nito, nakuha naman doon ang nasa P300,000 halaga ng shabu at pinatuyong dahon, na nahanap ng awtoridad sa tulong ng K9 unit na natagpuan ito sa sulok ng bahay na ginagawa rin umanong drug den.
 
"May nag-tip din sa amin na malayo pa lang kami ay umalis na raw si alyas Chicky. Marami talaga siyang spotter dito at saka kilala talaga siyang tulak dito sa Santa Cruz," ani Romeo Matias Jr. ng PDEA.

Bago ang operasyon, nasa isang buwang tiniktikan ng mga awtoridad si Fernandez.

Malapit ang bahay ni Fernandez sa barangay hall, pero wala umanong alam ang mga taga-roon sa aktibidad ng suspek.

“Pagkakaalam ko mabait naman," ani Grace Consulta, kagawad sa Barangay 368. "Nagulat nga ako kanina bakit maraming PDEA na pumunta. Iniisip kasi namin palibhasa upahan. Hindi namin alam kung sinong labas-pasok diyan.” 

Patuloy na pinaghahanap si Fernandez. Samantala, una nang kinumpirma ng Bureau of Immigration na lumipad si De Castro pa-Bangkok, Thailand noong Setyembre 2019. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.