Jeepney driver at konduktor na tumangay ng motor, timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 11:06 PM

Huli sa operasyon ng mga pulis ang isang jeepney driver at konduktor sa Quezon City matapos silang mahuling tumangay ng isang motorsiklo.

Ayon kay Police Lt. Col. Sandro Jay Tafalla, hepe ng Quezon City Police District Station 8, malaking tulong ang CCTV para makuha ang markings ng mudguard.

Sa salaysay ni Jeffrey Naesa, na nanakawan ng motorsiklo, may lalaking bumaba bago sinakyan ang kanyang motor. 

Naghahanap lang siya ng maiihian sa kahabaan ng Aurora Boulevard, Project 4 nang tangayin ang kanyang motorsiklong iniwan sa bangketa na nakasaksak pa sa ignition switch ang susi nito.

Matapos niyang tumawid sa kalsada, tinabihan ng pampasaherong jeep ang kanyang motor at doon na tinangay ang kanyang sasakyan. 
 
Nang matanggap ng pulisya ang report, agad silang nagsagawa ng operasyon at natunton sa Binangonan, Rizal ang motorsiklo sa bahay ng driver ng jeep.

Ayon kay alyas Richie, konduktor ng jeep, gagawin nilang service ang motor dahil malayo ang garahe nila. 

Nakatakda nang isailalim sa inquest sa piskalya ng Quezon City ang dalawa para sa reklamong carnapping. -Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.