Alkalde ng Talitay, Maguindanao, patay sa pamamaril sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 06:14 AM | Updated as of Feb 11 2020 07:07 PM

Watch more in iWantTFC

Patay sa pamamaril sa isang hotel ang alkalde ng Talitay, Maguindanao na si Abdulwahab Sabal Lunes ng gabi sa Malate, Maynila. 

Bandang alas-11:30 ng gabi nang mai-report sa Malate Police na may nangyaring pamamaril sa isang hotel sa Quirino Avenue, Barangay 706. May mga tama ng bala ang SUV kung saan nakasakay ang alkalde. 

Ayon kay Police Lt. Col. Samuel Pabonito ng Malate Police, nasa driver’s seat ang biktima nang mangyari ang pamamaril. Basag din ang bintana ng passenger’s seat. 

Batay din sa mga marka ng dugo sa semento, may tama na si Sabal nang tangkaing pumasok sa loob ng hotel. Basag din ang entrada ng hotel kung saan bumagsak ang biktima.

“Ayon sa kasamahan [ni Sabal], bumaba siya, pumunta na roon sa pintuan. Nakarinig siya ng putok, akala niya fireworks lang,” ani Pabonito.

Dagdag pa ng pulisya, nasa Maynila sina Sabal upang dumalo sa isang aktibidad. Kasama rin niya ang kanyang asawa nang mangyari ang pamamaril.

Gulat naman ang kamag-anak ng alkalde na si Ulanbai Lizardo sa nangyari. 

Matatandaang pinangalanan si Sabal ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa umano sa mga narco-politician noong siya’y bise alkalde pa lang ng Talitay.

Naaresto siya noong 2016 sa Awang Airport dahil sa pagkakasangkot umano sa ilegal na droga at illegal possession of firearms and explosives. 

Iniugnay rin ang yumaong alkalde sa nangyaring pagsabog sa Roxas night market sa Davao pero mariin niya itong tinanggi. 

Wala pang makuhang testigo sa pamamaril ang mga pulis pero inaalam na ang motibo sa pagpatay.-Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.