ALAMIN: Bakit isinusulong ang panukalang divorce?

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 12:37 PM | Updated as of Feb 11 2020 12:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Bukod sa Vatican City, ang Pilipinas na lang ang bansang tumututol sa pagkakaroon ng divorce sa mga mag-asawa. 

Kaya naman sa Kamara, aabot sa tatlo ang inaprubahang panukala na layong ipasok ang divorce sa Pilipinas. 

Hindi bago ang pagsulong ng divorce, ayon sa abogadong si Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM. 

Pero aniya, kinakatuwiran ng divorce ang pagtanggol sa karapatan ng mga kababaihang kumalas sa abusadong asawa.

"Sinasabi halimbawa doon sa mga sitwasyon lalo na kung merong pang-aabuso, may physical, emotional, at mayroon ding tinatawag na economic abuse. Iyan ay malinaw na batayan sa paglabag sa karapatan ng kababaihan," ani Del Prado. 

Pabor din umano sa mahihirap ang panukala lalo't mayayaman lang umano ang mga nakikinabang sa annulment, na nagpapawalang-bisa ng kasal ng mag-asawa. 

"Rights-based ito. May karapatan ka to earn access to justice," ayon kay Del Prado. 

Una nang tumutol ang mga miyembro ng simbahan at ilang senador sa pag-arangkada ng panukalang divorce sa pangambang "ikakasira" ito ng mga pamilya. 

Layong pagsamahin ng Kamara ang House bills 100, 838 and 2263 bago isalang sa plenary discussion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.