4 tiklo sa droga sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 04:14 AM

Arestado ang 4 na drug suspek sa Quezon City nitong Lunes.

Balik kulungan ang si alyas Michael habang nakikipag-inuman lang umano at makuhanan ng 10 gramo ng shabu nang damputin ng mga pulis.

Dati na rin nakulong si alyas Michael dahil sa pagnanakaw ng cellphone. 

Todo tanggi naman ang suspek sa alegasyon sa kanya ngayon. “Hindi po sa’kin, ‘di ako nagbebenta,” aniya. 

Kasunod nito, arestado rin ang isang babae sa isang fastfood chain sa Luzon Avenue, Old Balara. 

Galing Zamboanga si alyas Saiya at nag-aapply sanang makapag-abroad bilang domestic helper sa Saudi Arabia. 

Ayon sa suspek, napag-utusan lamang siya para kumita at may pangkain sana sa karinderiya.

Sa Cubao naman, 2 lalaki na mamamalengke lang umano sa Q-Mart ang hinuli ng mga pulis matapos makuhanan ng 18 sachet ng shabu.

Giit naman ng kapitan ng Barangay E. Rodriguez na si Marciano Buena Agua, hindi nila residente ang dalawang nahuli. “Lagi nilang dahilan ‘di raw kanila ‘yan. Di nila kilala taga rito, ‘di kami natutulog para makahuli ng droga."

Sasampahan ang apat na suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.-Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.