2 patay, 7 sugatan sa pag-araro ng SUV sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 10:23 PM

TUMAUINI, Isabela—Dalawa ang patay habang pito ang sugatan nang araruhin sila ng isang SUV sa national highway ng Barangay District 2 sa bayan na ito Martes ng umaga.

Sa imbestigasyon ng pulisya, habang binabaybay ng SUV ang tulay ay nag-overtake ito sa sinusundan nitong motorsiklo. 

Hindi napansin umano ng SUV driver ang mga kasalubong na sasakayan kaya nang subukan niyang iwasan ay nawalan ito ng kontrol sa manibela.

Tuluyang inararo ng SUV ang mga biktima na noon ay naglilinis lang sa tabing kalsada.

Naidala sa ospital ang mga biktima, pero idineklarang dead-on-arrival sina Ambrocio Lagundi, 47, at Rodrigo Pacion na mga kapwa barangay tanod.

Sugatan din ang pito nilang kabarangay, kabilang ang isang Sangguniang Kabataan chairman at isang 17-anyos na estudyante.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng SUV na napag-alamang isang doktor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.