1.4 toneladang karne, nasamsam sa Naga City

Mae Pulvinar, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 03:56 PM | Updated as of Feb 11 2020 09:49 PM

Naharang ng National Meat Inspection Service-Bicol at ng Naga City Veterinary Office ang nasa 1.4 tonelada ng mishandled processed meat na ibiniyahe sa bus galing Quezon City. Larawan mula sa National Meat Inspection Service-Bicol

Umabot sa 1.4 toneladang processed frozen meat na ibiniyahe sa bus mula Quezon City ang nakumpiska ng National Meat Inspection Service-Bicol (NMIS Bicol) at ng Naga City Veterinary Officer Lunes ng umaga.

Ayon kay Dr. Alex Templonuevo, direktor ng NMIS-Bicol, nalabag dito ang kanilang ipinatutupad na African Swine Fever Zoning.

"From red zone, which is infected, is pumasok sila sa non-infected so ilegal," paliwanag ni Templonuevo.

Agad ring itinapon sa condemnation pit sa slaughterhouse sa Naga City ang mga karneng gaya ng longganisa at embutido.

Dagdag ng NMIS-Bicol, walang dokumento ang mga karne. Mahigpit anilang ipinatutupad ang color-coding sa iba't ibang produkto ng karne dahil na rin sa banta ng ASF.

"Mishandled din kasi isinakay lang sa estribo. It’s not a proper way to transport meat, especially pagkain 'yan," sabi pa ni Templonuevo.

Sa imbestigasyon ng NMIS, dadalhin sana sa lungsod ng Legazpi ang mga nakumpiskang karne.

Bago ito, nasa 350 kilo ng iba pang assorted raw pork meat and meat products ang nakumpiska rin ng awtoridad noong Sabado. Kasama sa mga nasabat ang longganisa, sliced bacon, siomai, imported at local hotdogs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.