Lalaking nagbebenta ng nakaw na motorsiklo at baril, patay sa entrapment

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2019 01:24 AM

BAMBANG, Nueva Vizcaya -- Patay ang isang lalaki sa entrapment operation ng mga pulis sa bayan ng Bambang Linggo ng tanghali.

Ayon kay Senior Inspector Samuel Lopez, hepe ng Bambang Police, nakatanggap sila ng impormasyon na may lalaking nagbebenta ng nakaw na motorsiklo at isang baril.

Kinilala ang lalaki na si Jayson Ragual na residente ng Barangay San Antonio.

Pero habang nagkakabentahan, natunugan ni Ragual na pulis pala ang isa sa kaniyang katransaksiyon. Kaya sa halip na iabot ang baril ay itinutok ito saka pinaputukan ng dalawang beses ang poseur-buyer.

Maswerteng hindi napuruhan ang pulis na nakasuot ng bulletproof vest.

Tinangka ng suspek na tumakas habang pinapaputukan ang humabol na iba pang miyembro ng operatiba.

Nakaganti naman sila ng putok hanggang sa makita na lang na tumumba ang suspek.

Dinala pa sa ospital si Ragual, pero binawian din ng buhay habang ginagamot.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang caliber .45 na baril at motorsiklo na ibinebenta ng suspek.

Nakumpiska rin ang kaniyang bag na naglalaman ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon pa sa pulis, napag-alaman nilang miyembro ang suspek ng carnapping group na responsable sa ilang pagnanakaw sa probinsiya at karatig na mga lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.