Lalaking miyembro umano ng private armed group, arestado sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2019 01:23 AM

JONES, Isabela -- Arestado ng awtoridad ang isang miyembro umano ng private armed group sa bayan na ito dahil sa paglabag sa election gun ban noong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Fernando Dela Cruz, 46 anyos.

Nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis nang dumaan ang suspek na ayon sa intelligence report ay nagmamay-ari ng baril.

Nang usisain siya ay kusa naman daw itong bumaba ng kaniyang sasakyan at doon na nakita ang sling bag na naglalaman ng caliber .45 na baril.

Dahil walang naipakitang kaukulang dokumento o papel para magdala ng baril ay agad inaresto ang suspek.

Nahaharap siya ngayon sa reklamong paglabag sa New Firearms Law at gun ban may kaugnay sa halalan.

Huwebes naman nang arestuhin ang isang magsasaka sa bayan ng Roxas dahil sa kaparehong kaso.

Hinalughog ng mga pulis ang bahay ni Demetrio Galves, 61 anyos, dahil sa sumbong na pag-iingat ng samu’t saring uri ng armas.

Nagpositibo ang operasyon kung saan narekober ang isang uzi, 12-gauge shot gun, dalawang caliber .45 na baril, mga bala at holster.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.