DOH: 4,300 kaso ng tigdas naitala, 70 patay

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2019 06:46 PM | Updated as of Feb 11 2019 07:44 PM

Inaalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na isinugod sa San Lazaro Hospital sa Maynila. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
  • Kaso ng dengue sa Visayas tumaas din

  • 'Measles lane' binuksan sa ilang ospital

May 70 tao nang naiulat na nasawi dahil sa tigdas habang pumalo na sa 4,300 ang naitalang kaso ng tigdas sa bansa sa loob ng higit isang buwan, sabi ngayong Lunes ng Department of Health (DOH).

Mula Enero 1 hanggang Pebrero 9, nakapagtala ang DOH Epidemiology Bureau ng 4,302 kaso ng tigdas sa buong bansa at 70 ulat ng pagkamatay dahil sa naturang sakit.

Ayon pa kay Health Secretary Franciso Duque, 79 porsiyento ng mga nasawi sa tigdas ngayong taon ay walang "history of vaccination" o hindi nabakunahan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanguna ang National Capital Region (NCR) o Metro Manila sa mga rehiyong may pinakamataas ng bilang ng kaso ng tigdas. Nakapagtala ang NCR ng 1,296 kaso at 18 pagkamatay.

Sinundan ang NCR ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) na may 1,086 kaso at 25 pagkamatay. Pumangatlo naman ang Central Luzon na may 481 akso at tatlong pagkamatay.

Ikaapat naman ang Western Visayas na may 212 kaso at apat na pagkamatay at panglima ang Northern Mindanao na may 189 kaso at limang pagkamatay.

Nagdeklara noong nakaraang linggo ang Department of Health ng measles outbreak sa NCR, Central Luzon, Calabrzon, Western Visayas at Central Luzon.

Marami raw salik ang outbreak ng tigdas sa bansa at isa rito ay ang pagsadsad ng bilang ng mga taong nagpapabakuna nitong mga nagdaang taon, sabi ngayong Lunes ni Health Undersecretary Eric Domingo.

Matatandaang bumaba ang immunization coverage sa bansa sa 40 porsiyento noong 2018 mula sa average na 70 percent ng mga nakaraang taon dahil sa vaccine scare na nag-ugat sa kontrobersiya ukol sa Dengvaxia vaccine. 

Itinigil ng gobyerno ang nationwide anti-dengue immunization program noong 2017 matapos magbabala ang drug maker Sanofi Pasteur na maaaring magdulot ng mas malalang sintomas ng dengue ang Dengvaxia kung iturok sa hindi pa nagkakaroon ng dengue. 

Ilang pagkamatay ang isinisi sa gamot, pero hindi pa napapatunayan kung ang Dengvaxia nga ang ugat nito, ayon sa ilang eksperto. 

Matapos ideklara ang outbreak noong nakaraang linggo, sunod-sunod ang panawagan ng mga health official, eksperto sa kalusugan, at ng mga doktor sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra tigdas.

KASO NG DENGUE, TUMAAS DIN

Ayon pa kay Domingo, sa gitna naman ng measles outbreak, tumaas din daw ang bilang ng kaso ng dengue sa ilang lugar sa bansa.

May higit 2,000 kaso ng dengue ang naiulat sa Central Visayas ngayong taon at may 18 na pagkamatay dahil sa naturang sakit, ani Domingo.

Watch more in iWant or TFC.tv

'MEASLES LANE' BINUKSAN SA ILANG OSPITAL

Samantala, nagbukas na rin ng mga "measles lane" sa ilang ospital ng DOH para mas madaling makapagpatingin sa doktor ang mga posibleng may tigdas.

Isa sa mga ospital na ito ay ang Rizal Medical Center sa Pasig.

Sinimulan na rin ng DOH ang oubtreak response immunization o pagbabakuna sa mga komunidad. -- May ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.