Bise alkalde sa Nueva Vizcaya, nakaligtas matapos mahulog ang sasakyan sa bangin

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2019 11:21 PM

KAYAPA, Nueva Vizcaya - Nakaligtas ang bise alkalde ng Kayapa, Nueva Vizcaya nang mahulog ang kaniyang minamanehong sasakyan sa bangin Linggo ng hapon.

Sa imbestigasyon, mag-isang minaneho ni Vice Mayor Tony Wakit Sr. ang kaniyang sasakyan pauwi sa kanilang bahay.

Umagaw umano ng linya si Wakit habang binabaybay ang Nueva Vizcaya-Benguet Road sa Sitio Santa Rosa, Barangay San Fabian, Kayapa at nasagi ang kasalubong na pampasaherong bus.

Tuluyang nawalan ng kontrol ang bise alklade sa kaniyang sasakyan at dumiretso sa bangin na may 19 talampakan ang lalim.

Sumaklolo ang mga pasahero ng bus at ilang residente.

Nagpapagaling ngayon sa ospital si Wakit na nagtamo ng ilang sugat sa katawan.

Sa kaniyang salaysay sa awtoridad, puyat at matinding pagod ang dahilan kaya siya naaksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.