Lider ng tribo sa Surigao, pinatay umano ng NPA

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 11:32 AM

Sinusuri ng mga eksperto mga sugat ng isang tribe leader na pinaslang umano ng mga rebelde. Larawan mula sa 402nd Brigade ng militar

ALEGRIA, Surigao del Norte – Patay ang isang dakula o lider ng tribong Mamanwa matapos umanong barilin ng mga miyembro ng New People's Army (NPA) sa bayang ito noong Biyernes.

Nagsasaka ang biktimang si Guillermo Tiambong, 58, nang paslangin siya sa bulubunduking bahagi ng Barangay Camp Edward, ayon sa militar.

“Ang suspek natin dito ay mga New People’s Army... Mayroon nang dating threat sa kanya, alam ito ng pamilya niya, ng anak niya na may threat sa kanyang buhay ang NPA,” ani Brig. General Franco Gacal, commander ng 402nd Brigade.

Dati aniyang taga-suporta ng NPA si Tiambong, pero naging kabalikat na ng mga sundalo sa pagpapatupad ng programa ng gobyerno nitong mga nakaraang taon.

Naging kinatawan pa aniya si Tiambong ng Tribong Mamanwa sa Indigenous Peoples (IP) Summit sa Davao City kamakailan.

“Napag-initan ito si Datu Tiambong, ang history kasi nito, ang Budlingin, Alegria ay dati itong matigas sa kaliwa ito, masa ito," dagdag ni Gacal.

"Talagang matagal itong inupuan ng Army para ma-deradicalize, maturuan yong mga tao do’n, ma-educate natin.”

Aminadong naman ang opisyal na mahirap bigyan ng seguridad ang mga lumad na naninirahan sa kabundukan at karaniwang target ng NPA.

Nito lang Enero 27, tinorture at pinatay umano ng NPA ang isa ring lumad na umanib sa pamahalaan na si Mar Bocales.

“Napakalayo talaga ng mga IP communities natin, nandoon sila sa kasulok-sulokan ng kabundukan at alam po natin na malayo talaga sila sa proteksyon, mga kagamitan at resources ng Armed Forces at PNP,” sabi ni Gacal.

Iminungkahi ng militar na pansamantalang i-relocate sa ligtas na lugar ang mga lumad na target ng mga rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.