Kawani ng munisipyo, inireklamo ng kahalayan ng 2 katrabaho

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 07:25 PM | Updated as of Aug 15 2019 02:25 PM

Watch more in iWantTFC

Kinasuhan ng sexual harassment ng dalawang dating empleyado ng munisipyo ng Norzagaray, Bulacan ang pinuno ng kanilang rescue at traffic management group matapos umano silang pagsamantalahan nito.

Labis ang sama ng loob ng mga biktimang sina alyas "Pia" 
at "Jenny" sa kahalayang ginawa umano sa kanila ni Edgardo Reyes Cruz.

"Baboy na baboy ako kasi 'di naman ako ganoong tao," sabi ni Pia.

Dating social worker si Pia na inilipat sa utility, kung saan kabilang sa kaniyang mga trabaho ang paglinis sa opisina ni Cruz.

Enero 17 nang tangkain umano siyang halayin ni Cruz.

"Pilit niya akong hinahalikan ... binuksan ng kamay niya 'yong sinturon," kuwento ni Pia.

"Sabi ko, 'di talaga ako ganoong babae,' [tapos] noong makita niya akong umiiyak, binitawan niya ako," ani Pia.

Inilipat din sa utility si Jenny mula sa pagiging traffic aide.

"Nagpunta po siya sa CR noong nandoon ako ... bigla niya akong niyakap," pahayag naman ni Jenny.

Matapos ang mga insidente, hindi na pumasok sa trabaho ang dalawang biktima, na sabay naghain ng kasong sexual harassment sa piskalya kamakailan.

Ayon kay Pia, marami pa umanong binastos si Cruz pero natatakot lang ang mga ito na lumabas dahil pinagbabantaan umano ni Cruz.

Ilang beses namang sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ni Cruz pero wala umano ito sa kaniyang opisina at hindi rin sumasagot sa cellphone.

Hindi naman nakapagbigay ng komento ang opisina ni Mayor Geronimo Cristobal dahil wala raw isinampang pormal na reklamo sa tanggapan ng alkalde.

Pinayuhan ng tanggapan ng alkalde ang mga biktima na maghain ng pormal na kaso laban sa opisyal.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.