College student nahulihan ng marijuana sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 01:32 AM

Nakuha ang 10 bundle, 4 na pakete at 4 na sticks ng pinatuyong dahon ng marijuana mula sa isang college student sa Davao City, Sabado ng hapon. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY—Nahulihan ng marijuana ang isang college student sa isang checkpoint dito Sabado ng hapon.

Nahuli mula kay Harrier Virtudazo, 22, ang 10 bundle, 4 na pakete at 4 na sticks ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Mula Cotabato City sakay sa isang van, sinubukang ipuslit ni Virtudazo ang mga marijuana na itinago nya sa kaniyang bag at mga damit.

"Normally pinapa-open natin ang backpack, then nakita 'yung ibang parte ng dried marijuana leaves. Doon na nag-trigger na i-search 'yung backpack niya," ani Task Force Davao Commander Col. Nolasco Memfin.

Ayon kay Virtudazo, napilitan siyang magdala ng marijuana dahil ang perang matatanggap niya ay gagamitin sa pambayad ng matrikula.

"Tungod lang sa akong pag-eskwela ma'm para makahuman lang ko kay mag-graduate na'ko, isa ka tuig na lang," aniya.

(Dahil lang sa pag-aaral gusto ko makatapos dahil ga-graduate na ako, isang taon na lang.)

Inamin ni Virtudazo na ito na sana ang pangalawang pagkakataon na magdadala siya ng marijuana sa Davao ngunit nahuli.

Sasampahan si Virtudazo ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.