3 patay, 10 sugatan sa pagsalpok ng bus sa puno

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 10:48 AM | Updated as of Feb 11 2018 03:49 PM

Nagkayupi-yupi ang bahagi ng isang bus na naaksidente sa Camarines Sur. Larawan mula sa Saver Del Gallego

DEL GALLEGO, Camarines Sur - (UPDATED) Tatlo ang patay at 10 ang sugatan sa pagsalpok ng isang bus sa puno sa gilid ng Andaya Highway sa bayang ito, Sabado. 

Ayon sa mga pasahero, mabilis ang takbo ng Fortune Star bus na may 57 na pasahero nang mawalan ng kontrol ang driver pagdating sa Barangay Sinukpin, alas-9 ng gabi.

Dahil dito, nahulog ang bus sa shoulder ng kalsada at nang sinubukang makabalik ay tumama ang likuran nito sa puno ng narra. Nawasak ang likod ng sasakyan dahil sa lakas ng pagsalpok, sabi ni SPO2 Pedro Adulta. 

Dead on the spot ang isang babaeng pasahero. Sa ospital naman nasawi ang isang 5-buwang-gulang na sanggol at nanay nito. 

Pito sa 11 na nasugatan ang nananatili sa ospital, kabilang na ang ama ng sanggol. 

Tumangging magbigay ng pahayag ang 64-anyos na bus driver na si Bernardo Paris. Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple serious physical injuries. 

Nakiusap naman si Adulta sa Department of Public Works and Highways na ayusin ang aniya'y accident-prone na kalsada. 

"Mas mataas ang kalsada kaysa sa shoulder ng mga 10 inches kaya once na mahulog, mahihirapan bumalik," paliwanag ng pulis. 

Galing sa Guian, Eastern Samar ang naaksidenteng bus at papunta sana sa Maynila. 

Ulat nina Rod Bolivar at Rona Jane Nuñez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.