MAYNILA - Humihirit na ng taas-singil sa tren ang LRT-1, LRT-2 at MRT-3.
Ito ay matapos magsumite ng petisyon ang mga tanggapan nila sa fare regulatory unit ng Department of Transportation.
Sa hirit, magiging P17 na ang minimum fare ng MRT at LRT-1 habang P15 naman sa LRT-2.
Kung maaaprubahan, aabutin na ng P34 mula P28 ang presyo ng pasahe mula North Avenue hanggang Taft Avenue station ng MRT.
Aabutin naman ng P35 ang biyaheng Recto-Antipolo mula P30.
Ang Roosevelt hanggang Baclaran, aabutin naman ng P44 mula P29.
Taong 2015 pa umano nagkaroon ng pagtaas ang singil sa tren.
"If you compare to existing bus fare ngayon, on the same 12-kilometer average distance na binabiyahe ng tao, mas mababa pa rin ang sumakay sa riles," ani LRT Administrator Atty. Hernando Cabrera.
Taas-pasahe ang nakikita nilang paraan para mapaliit ang subsidiya na ibinigay ng gobyerno at nang hindi na sila umaasa sa pondong ibibigay para sa rehabilitation programs ng tren.
"Ang train system natin, modern na 'yan at may mga pinapalitan every year. Karamihan ng spare parts namin kailangan i-upgrade, kailangan i-rehabilitate. Ito ang mako-compromise, hindi magagawa ang rehab projects agad kung manghihingi lagi ng pondo sa gobyerno," ani Cabrera.
Ayon sa Department of Transportation, magkakaroon ng public hearing ang petisyon ng tatlong railway system sa susunod na linggo na dadaluhan din ng mga kinatawan ng civil society at commuter groups.
-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.