PatrolPH

LTFRB nagtalaga ng pick-up points matapos ang sunog sa Araneta terminal

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2023 05:35 PM

MAYNILA — Nagtalaga ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng pansamantalang pick-up points sa mga pasaherong apektado ng tigil-operasyon ng Araneta City transport terminal matapos itong masunog nitong Huwebes.

Kabilang sa mga lugar na puwedeng sakyan ng Beep jeep sa Cubao ang mga sumusunod:

- Annapolis cor. Aurora Blvd. para sa biyaheng Cubao-A. Roses
- 15th Avenue cor. P. Tuazon para sa biyaheng Cubao-Doña Carmen
- 15th Avenue cor. P. Tuazon/Aurora Gateway para sa biyaheng Cubao-Marikina
- 13th Avenue cor. P. Tuazon para sa biyaheng Cubao-Pasig
- Gateway, Aurora Blvd. entrance para sa biyaheng Cubao-Novaliches.

Dahil sa pagsasara ng Araneta City transport terminal, maraming pasahero ang nalito ngayong Biyernes at naglakad ng malayo para makakuha ng masasakyan.

“Actually, hindi ko alam na nasunog siya. Para sa akin, hassle talaga kasi sobrang malayo ‘yung lalakarin,” sabi ng commuter na si Jem Basa.

“Ahhh ang hirap! Katulad ko, senior [citizen], hinihingal. Ang layo ng lakad,” dagdag ni Victoria Cisneros.

Biyernes ng hapon, nag-inspeksyon din ang LTFRB sa terminal at nakipag-ugnayan sa pamunuan ng Araneta City para sa posibleng pagbabalik ng operasyon sa weekend.

Nagpapatuloy pa ang clearing at pagsusuri sa integridad ng gusali kaya nananatili ring sarado ang mga establisimyento sa paligid.

Hindi pa matiyak ng Bureau of Fire Protection ang pinagmulan ng apoy habang patuloy ang imbestigasyon at pakikipag-ugnayan sa Araneta City at mga nakasaksi.

Tinatayang nasa P245 milyon ang halaga ng pinsala ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.