MAYNILA (UPDATE)— Natapos nang mabigay ng pahayag sa korte si dating National Bureau of Investigation Deputy Director at dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos kaugnay ng kaso ng ilegal na droga laban kay dating senador Leila de Lima.
Ayon kay Atty. Boni Tacardon, abogado ni De Lima, bukod kay dating Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, may ilang pangalang nabanggit si Ragos na kasama ni Aguirre sa mga meeting nila.
"Pinanindigan talaga ni Rafael Ragos na lahat ng kanyang mga akusasyon noon kay Sen. Leila de Lima ay pawang mga kasinungalingan lamang at ito’y bunga ng sinasabi niyang coercion at pagpe-pressure sa kanya
mismo ni Secretary Aguirre kasama doon na binanggit niya si Atty. Persida Acosta at NBI Director Dante Gieran at 'yung mga abogado ng PAO tulad ni Atty. Huerta, Atty. Salvador," ani Tacardon.
Subalit sa affidavit ni Ragos na kanyang in-execute noong April 30, 2022, hindi binanggit ni Ragos si Acosta. Sa halip, ang nabanggit niya sa affidavit ay sina Aguirre, dating NBI director Dante Gierran, at 2 abugado ng PAO.
Sa isang text message, sinabi ni Acosta: "Base sa mga nakasaksi sa hearing kanina ni Ragos, hindi ako itinuro ni NBI Deputy Ragos na nag-pressure sa kanya. Dahil hindi ko naman siya pressured. Payong KAPUSO ay kumuha muna kayo ng court's TSN at hindi ng story ng lawyer na hindi testigo - para hindi makuryente o cyberlibel ang nagbabalita."
Itinanggi na rin noon ni Aguirre na pinressure niya si Ragos.
Bagkus ipinakita niya ang video na boluntaryo umanong nag-execute ng affidavit si Ragos laban kay De Lima.
Sinabi ni Aguirre na nakuha niya ang video kay Acosta.
Ngayong tapos na magbigay ng testimonya si Ragos tungkol sa kanyang recantation, pinaghahandaan na ng kampo ni De Lima ang pagsampa ng supplemental motion for bail para sa pansamantalang paglaya ng dating senador.
Ayon kay Tacardon, meron silang omnibus motion para i-dismiss ang kaso dahil sa pag-recant ni Ragos. Aniya, ina-assess pa lang ng korte kung tatanggapin ang recantation ni Ragos.
Matatandaang tinanggihan ng korte ang kanilang petisyon dahil sa testimonya ni Ragos at ngayong tuluyan nang nabawi ito umaasa ang kampo ni De Lima na mapakinggan at makita ang merito nito.
Isasampa nila ang supplemental motion for bail sa lalong madaling panahon o kanilang isasabay sa susunod na pagdinig sa February 24.
Tinitingnan din ng kampo ni De lima ang mosyon sa tuluyang pagbasura ng kaso.
Ani Tacardon, ang piyansa ay posibleng daan para tuluyang mabasura ang mga kaso laban kay De Lima.
Wala talaga umanong magpapatunay na tumanggap ang dating senadora ng P10 milyon sa umano'y illegal drug trading sa NBP dahil binabawi na ito ni Ragos.
Hindi pa umano humingi ng paumanhin ang dating BuCor official wala na umanong inaasahan ang kampo ni De Lima na hihingi ng paumanhin sa mga testigo na ginami ng prosekusyon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.