PatrolPH

Mag-asawang bulag patuloy na lumalaban para sa mga anak sa kabila ng pandemya

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2021 05:32 PM | Updated as of Feb 11 2021 09:16 PM

Mag-asawang bulag patuloy na lumalaban para sa mga anak sa kabila ng pandemya 1
Sa kabila ng pandemya, patuloy na itinataguyod ng mag-asawang Julius at Marivic Muñoz ang kanilang mga anak sa tulong na rin ng mga kaibigan. Larawan mula kay Gracie Rutao

Hindi naging hadlang ang kapansanan para sa mag-asawang Julius at Marivic Muñoz ng Mabalacat City, Pampanga, para maitaguyod ang 8 nilang anak sa kabila ng pandemya.

Kapwa bulag sina Julius, 39, at Marivic, 38. Singer at frontliner sa Sangguniang Panlungsod ng Mabalacat si Julius, habang masahista naman si Marivic. Labintatlong taon na ang pagsasama ng mag-asawa.

"Noong kabataan ko, marami... Siguro, mga 10 -- 5 blind, 5 sighted, 'yung mga nakakakita... Pero isa lang ang minahal ko... ," kuwento ni Julius tungkol sa kaniyang naging buhay pag-ibig.

Watch more on iWantTFC

Una silang nagtagpo ni Marivic sa School for the Blind sa Maynila taong 2005. May mga inihatid umano siyang mga estudyante na kaklase ni Marivic.

Naging malapit ang loob nila sa isa't isa dahil sa madalas na pagpunta ni Julius sa eskuwelahan.

Pero hindi naging madali ang kanilang relasyon dahil tutol noon ang pamilya ni Marivic kay Julius.

Kaya itinanan ni Julius si Marivic. Mula Cavite, iniuwi niya ito sa Pampanga kung saan sila nagpakasal at biniyayaan ng 8 anak. Ang panganay nila ay 11 anyos na ngayon, habang ang bunso ay 3 buwan pa lamang.

May dalawang anak rin si Julius sa pagkabinata.

Kahit maraming anak at walang kasambahay, kinakaya ni Marivic ang lahat ng gawaing bahay.

"Kahit hindi siya nakakakita, siya ang tagaluto namin. Siya 'yung gumagawa ng ano namin sa bahay. Saka maasikaso, kahit hindi siya nakakakita. Ginagawa niya yung best niya para sa amin," kuwento ni Julius tungkol sa asawa.

Mag-asawang bulag patuloy na lumalaban para sa mga anak sa kabila ng pandemya 2
Labintatlong taon nang mag-asawa sina Julius at Marivic Muñoz, taga-Mabalacat City, Pampanga, na parehong bulag. May 8 silang anak, bukod sa 2 anak ni Julius sa pagkabinata. Larawan mula kay Gracie Rutao


Dahil sa pandemya, nawalan ng pagkakakitaan ang mag-asawa. Hindi na nakakakanta sa mga show si Julius, at hindi na rin muna nakakapag-masahe si Marivic.

"Madugo. Hindi ko alam kung saan kukuha ng pambayad ng bahay. Naputulan kami ng ilaw. Aaminin ko na sa inyo, mabigat. Pero, 'yung asawa ko, lagi siyang supportive sa akin. Lagi niyang sinasabi sa akin, 'Daddy, kaya 'yan, laban lang tayo, laban'," ani Julius.

Para makaraos, kumakanta online si Juilus kasama ang 'Banda Alyansa Kapampangan' habang patuloy na nagsisilbi bilang frontliner sa Sangguniang Panlungsod ng Mabalacat. May mga kaibigan rin silang nagpapaabot ng tulong. 

Kaya ang mga anak ng dalawa, hanga sa pagpupursigi ng kanilang mga magulang.

Pundasyon ng mag-asawa ang tiwala para sa matatag nilang pagsasama. Kaya kahit anong sakuna, hindi man makita ang isa't isa, ramdam umano nila ang pagmamahal, lalo't buo at magkakasama silang pamilya sa hirap man o sa ginhawa.

- Ulat ni Gracie Rutao

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.