Mga umuwi galing Hubei walang pinapakitang sintomas ng novel coronavirus: DOH

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2020 04:36 PM | Updated as of Feb 10 2020 07:59 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Wala pa ring ipinapakitang sintomas ng novel coronavirus ang mga Pinoy na umuwi galing Hubei, ang lalawigan sa China na nakasasakop sa lungsod na pinagmulan ng virus, sabi ngayong Lunes ng opisyal ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, bantay-sarado ng mga medical staff ng Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital ang 32 Pinoy na umuwi noong Linggo galing Hubei at naka-quarantine sa Capas, Tarlac.

Sa kabuuan, 49 umano ang binabantayan ng DOH dahil bukod sa mga balikbayan, naka-quarantine din ang repatriation team at flight crew na sumundo sa kanila at mga ground operator.

Sakali namang magpakita ng sintomas, dadalhin sila sa ospital para ma-isolate at mabigyan ng atensiyong medikal.

Tatagal nang 14 araw ang quarantine period.

Para mapawi ang pangamba ng mga residente sa 2 barangay malapit sa quarantine facility, binigyan sila ng DOH-Tarlac at Tarlac Provincial Health Office ng face mask at alcohol.

Ngayong Lunes, may 314 persons under investigation o mga taong inoobserbahan kaugnay ng novel coronavirus. Sa bilang na ito, 262 ang naka-admit sa iba-ibang ospital sa bansa.

Nananatili namang 3 ang nagpositibo para sa virus sa bansa.

UNANG PASYENTE NA-DISCHARGE NA

Pero ayon kay Domingo, gumaling at nakalabas ng ospital ang 38 taong gulang na babaeng Chinese na kinilala bilang kauna-unahang kaso ng novel coronavirus sa bansa.

Dalawang negative resulta sa mga test ang kailangan para maituring ang isang pasyente na negatibo na talaga sa sakit, bagay na nagawa ng babae, ayon kay Domingo.

Nilinaw rin ni Domingo na sakop ng travel ban ang Taiwan, bukod sa Mainland China, Hong Kong, at Macau.

4 PANG PINOY NA SAKAY NG CRUISE SHIP SA JAPAN, POSITIBO SA VIRUS

Kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs na may 4 pang Pinoy na sakay ng barkong naka-quarantine sa Yokohama, Japan ang nagpositibo sa novel coronavirus.

Dahil dito, 5 na ang Pinoy galing sa cruise ship na Diamond Princess ang nahawahan ng virus, kabilang ang isang tripulanteng naunang nagpositibo.

Nakikipag-ugnayan na umano ang embahada ng Pilipinas sa Tokyo, Japan sa mga awtoridad doon para mabigay ang ano mang tulong na kakailanganin ng mga Pinoy na sakay ng barko.

Ang virus galing sa lungsod ng Wuhan, China ang pinakabagong strain ng coronavirus, nagdudulot ng mga impeksiyon at sakit sa paghinga.

-- May ulat nina Raphael Bosano at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.