ABS-CBN franchise kinuwestiyon sa Korte Suprema

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2020 12:06 PM | Updated as of Feb 10 2020 08:27 PM

Naghain si Solicitor General Jose Calida ng quo warranto petition laban sa ABS-CBN at subsidiary nitong ABS-CBN Convergence sa Korte Suprema nitong Lunes. George Calvelo, ABS-CBN News

(UPDATE) Hiniling ni Solicitor General Jose Calida ngayong Lunes sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang prangkisa ng broadcast network na ABS-CBN.

Inihain nitong umaga ng Lunes ni Calida sa korte ang quo warranto petition na nag-ugat umano sa mga paglabag ng ABS-CBN sa ilang terms and conditions ng prangkisa ng ABS-CBN Corporation at subsidiary nitong ABS-CBN Convergence.

Pero sa pahayag ng ABS-CBN, nanindigan ang kompanyang wala itong nilalabag na batas.

Watch more in iWantTFC

Iginiit ni Calida na walang bahid ng politika ang paghahain ng petisyon laban sa network, na paulit-ulit na binabatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"We want to put an end to what we discovered to be highly abusive practices of ABS-CBN benefiting a greedy few at the expense of millions of its loyal subscribers," anang abogado ng gobyerno sa isang pahayag.

"These practices have gone unnoticed or were disregarded for years," aniya. 

Ang unang gustong ipatigil ni Calida ang pay-per-view service ng KBO, isa sa mga channel sa ABS-CBN TV Plus dahil wala umano sa prangkisa ng ABS-CBN na puwede itong maningil sa isang free-to-air station.

Pero ayon sa kompanya, aprubado ng gobyerno ang KBO.

Sa pay-per-view service na ito, magbabayad ang TV Plus subscriber ng murang halaga para makapanood ng ilang pelikula. Hindi rin ito ipinagbabawal sa prangkisa.

Ipinakita ng ABS-CBN ang isang Department of Justice opinion na pirmado ni Justice Secretary Menardo Guevarra, na pinapayagan ang pay-per-view service.

Pinuntirya din ni Calida ang pag-alok ng ABS-CBN ng Philippine depository receipts (PDRs) sa mga dayuhan dahil labag umano ito sa Konstitusyon na nagsasabing dapat 100 porsiyentong Filipino-owned ang media companies sa bansa.

Pero sagot ng ABS-CBN, ang PDR ay hindi shares of stock at ang may-ari nito ay walang karapatang bumoto.

Rehistrado din at aprubado ng Securities and Exchange Commission (SEC) at Philippine Stock Exchange ang PDRs ng ABS-CBN, gaya rin ng PDR ng GMA Network.

Katunayan, nauna nang sinabi ni dating SEC chair Teresita Herbosa na inaprubahan ng SEC ang PDR ng ABS-CBN.

Inakusahan din ng Office of the Solicitor General ang ABS-CBN Convergence na hindi idinaan sa Kongreso ang paglipat ng prangkisa at hindi pag-alok ng shares of stock nito sa publiko.

Pero ayon sa ABS-CBN, ang pagmamay-ari ng ABS-CBN at ABS-CBN Convergence ay kagaya lang din sa ibang telecommunications company. Ito rin ay naaayon sa batas.

Iginiit ng ABS-CBN na malinaw na pakay ng petisyon na ipasara ang network, na ikasasama ng milyon-milyong Pilipino na umaasa rito para sa balita, entertainment, at public service.

Ayon pa sa ABS-CBN, marami ang nakakanood ng murang palabas sa KBO habang ang perang nakukuha mula sa PDR ay ginagamit para makapagbigay ng serbisyo sa Pilipinas at mga overseas Filipino worker sa ibang bansa.

Nangako ang kompanya na patuloy itong maglilingkod sa mga Pilipino at magbibigay ng impormasyon sa gitna ng ano mang krisis at sakuna.

Inihain ang petisyon kahit nakatakda nang mapaso ang prangkisa ng network sa Marso. Hindi pa tinatalakay sa Kamara ang ilang panukalang batas na layong ma-renew ang lisensiya para makapag-operate ang kompanya.

Isang quo warranto petisyon din ang inihain noon ni Calida para mapatalsik pagka-chief justice si Maria Lourdes Sereno, isang kilalang kritiko ng pangulo.

Watch more in iWantTFC

KONGRESO

Sa Kamara, hinamon ni Buhay Rep. Lito Atienza ang chairman ng House committee on legislative franchises na aksyunan ang 10 panukalang batas para sa bagong prangkisa ng ABS-CBN dahil kung hindi ay papalitan siya ni Atienza.

Halos pareho ng mensahe si Atienza at iba pang kongresista na nagsalita na mula nitong umaga ng Lunes hanggang hapon ukol sa ABS-CBN franchise.

Nanawagan naman ang mga may akda at supporter sa House committee on legislative franchises na dinggin na nito ang mga panukalang bagong prangkisa ng ABS-CBN kahit pa naghain ng quo warranto petition si Calida.

Ayon kay Deputy Speaker Vilma Santos, dapat hayaan lang ang Korte Suprema na dinggin ang petisyon ni Calida pero dinggin na rin ng Kamara ang mga nakabinbing panukala.

Iginiit din nina Parañaque Rep. Joy Myra Tambunting, ACT Teachers party-list Rep. France Castro, at iba pang kongresista na Kongreso lang ang may poder na magbigay o bumawi ng prangkisa alinsunod sa Saligang Batas.

"Ginagawa kaming kindergarten sa pag-file ng kasong ito kasi it is an exuberant intervention into the duty of Congress," ani Albay Rep. Joey Salceda.

"All congressman as an institution and the Senate should stand up together and say that we have the exclusive power and we are going to exercise it," ani Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.

Naghain din si Albay Rep. Edcel Lagman ng resolution para ideretso na ng komite sa plenaryo ang franchise application ng ABS-CBN. Nilagdaan ito ng 81 kongresista.

Nais naman nina Lagman at Deputy Speaker Johnny Pimentel na ibasura ng korte ang quo warranto.

Hindi naman trabaho ng korte na litisin kung may paglabag ang ABS-CBN sa prangkisa nito, ayon kay Lagman.

Sa Senado, nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa publiko na maging mapagmatiyag at magsalita sa ginagawa ng gobyerno sa ABS-CBN at prangkisa nito.

Watch more in iWantTFC

Ang kalayaan ng ABS-CBN na maituloy ang operasyon nito ay kalayaan din ng maraming Pilipino, sabi ni Hontiveros.

Tiniyak naman ni Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr., chairman ng Senate committee on public information and mass media, na magiging patas ang Senado.

Kinuwestiyon naman ni Sen. Grace Poe ang pag-akyat sa Korte Suprema ni Calida hinggil sa umano ay mga paglabag ng ABS-CBN sa prangkisa gayong Kongreso ang dapat humimay nito.

Nakiisa rin ang mga senador na sina Panfilo Lacson, Joel Villanueva, at Ronald "Bato" dela Rosa na dapat ituloy ang pagtalakay sa mga franchise bill kahit may petisyon.

PALASYO WALA RAW KINALAMAN SA PETISYON

Sa panayam ng DZMM, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang kinalaman ang Malacañang sa naturang petisyon.

Trabaho ng solicitor general na maghain ng petisyon kapag may paglabag sa batas, ayon kay Panelo.

Hindi umano nakikialam ang pangulo sa mga pinuno ng departamento at ahensiya sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.

Watch more in iWantTFC

BANTA SA PRESS FREEDOM

Kinondena naman ng mga media group ang ginawa ni Calida, gaya ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) na iniugnay ang petisyon kay Duterte at sinabing isa itong hakbang laban sa press freedom o malayang pamamahayag.

“While killing thousands of Filipinos under his repressive policies, Duterte, along with Calida and other humbug supporters and crass blind propaganda antics, ultimately proved that they want to fully silence the freedom of the press,” sabi ng CEGP sa pahayag.

Hinimok naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang mga taong nagmamahal sa demokrasya na tumindig para sa network sa ngalan ng press freedom.

“We call on all Filipinos who cherish democracy to stand up and defend press freedom because this freedom belong to you,” anang grupo.

Nagsagawa rin ng kilos-protesta nitong Lunes ang NUJP sa may Tomas Morato, Quezon City bilang suporta sa network.

Dati nang binabanatan ni Duterte ang ABS-CBN dahil sa umano ay pagtanggi ng kompanya na i-ere ang kaniyang campaign advertisement noong 2016 halalan.

Nauna na ring nagbanta ang pangulo na haharangin niya ang pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN. -- May ulat nina Mike Navallo, Christian V. Esguerra, Ina Reformina, RG Cruz, at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.