2 taong gulang na lalaki sinunog umano ng nobyo ng ina

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2020 03:52 PM | Updated as of Feb 10 2020 08:11 PM

Watch more in iWantTFC

Natagpuan mula sa abo ng nasunog na mga dahon ang bangkay ng isang 2 taong gulang na lalaki sa bayan ng Maigo, Lanao del Norte noong gabi ng Linggo.

Inaresto naman ng mga awtoridad ang isang 55 anyos na nobyo ng ina ng bata, na sinasabing nanunog dito.

Nag-away ang suspek at ang ina ng bata nang mangyari ang insidente, ayon kay Lt. Baltazar Deguilmo, officer in charge ng Maigo Municipal Police Station.

Lasing umano ang suspek at pinagbintangan ang ina na kumuha ng pera niya na nagkakahalaga ng P14,000.

Hinila umano ng suspek ang babae — na kasama noon ang sanggol — palabas sa pinagtatrabahuhan nitong videokehan at sinaktan.

Nagpumiglas daw ang babae at tumakbo para humingi ng saklolo.

Nang balikan, sinunog na umano ng suspek ang bata.

Inaalam pa ng pulisya kung bakit walang residente na nakarinig sa pag-iyak ng bata, ayon kay Deguilmo.

Nakatakdang kasuhan ng murder in relation to the Anti-Child Abuse Law ang suspek.

-- Ulat ni Maria Cecilia Butardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.