108 turistang Chinese nagbabakasyon sa Boracay sa gitna ng banta ng 2019-nCoV

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2020 11:50 PM

Nasa 108 turistang Chinese ang nananatili sa Boracay na nagbabakasyon, ayon kay Madel Tayco ng Task Force on NCOV sa Boracay Island.

Sila ay itinuturing na mga persons under monitoring o ang mga indibidwal na walang sintomas ng novel coronavirus (2019-nCoV) pero may "history of travel" sa mainland China.

"They are being closely monitored, clarify lang natin. Wala pa tayong 2019-nCoV case at wala tayong persons under investigation," ani Tayco.

Pansamantalang pagsasara 

Dagdag pa ni Tayco, ilang mga Chinese establishment din sa isla ang pansamantalang nagsara habang may travel ban.

Mula kasi nang ipinatupad ang executive order ni Mayor Frolibar Bautista ng Malay, Aklan nitong Biyernes, na nagbabawal ng pagpasok ng mga turista galing China, Macau at Hongkong, tuluyan na silang nawalan ng mga customers, ayon kay Tayco.

Pag-uusapan naman ng lokal na pamahalaan ang gagawin sa mga displaced worker sa isla.

Mas matinding monitoring 

Samantala, nagpapatuloy ang mas pinaigting na screening ng bawat sasakyan na dumadaan sa tatlong mga checkpoint sa Aklan.

Ayon kay Police Lt. Col. Jonathan Pablito, hepe ng Malay Police, may 19 na turistang na intercept sa mga checkpoint mula nitong Biyernes matapos malamang may travel history sila sa China, Macau at Hongkong.

Epekto sa turismo 

Matumal na rin ang mga customer ng mga nag-aalok ng water sports activities sa beach front.

Pati ang mga malalaking negosyante sa isla, dama na rin ang epekto sa turismo dahil sa travel ban.

Ayon sa datos ng local na Department of Tourism, sa kabila ng pagbawas ng turista mula China dahil sa travel ban, nananatiling normal ang daily tourist arrivals sa isla.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.