Sanggol na ibinebenta sa social media nasagip, 15 anyos na 'seller' timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2019 05:02 PM | Updated as of Feb 10 2019 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang sanggol, na pitong araw pa lang mula nang ipanganak, ang nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Sabado matapos itong tangkang ibenta sa isang social media site.

Sa pamamagitan ng social media, ibinenta ni alyas "Joanna" sa halagang P40,000 ang sanggol sa isang ahente ng NBI na nagpanggap na buyer.

Nakipagkita sa isang fast food restaurant sa Las Piñas ang NBI agent at ang nagebebenta sa sanggol. Agad dinakip ng NBI si Joanna na napag-alamang 15 anyos pa lamang.

Kasamang nahuli ang kinakasama niya pati ang mga nagpakilalang magulang ng sanggol. Paghahatian umano nila ang perang makukuha sa pagbebenta ng sanggol.

Base sa imbestigasyon, tila marami nang naibentang sanggol si Joanna sa social media.

"Iniimbestigahan natin ngayon kung gaano kalaki itong grupo, gaano na katagal nilang ginagawa ito at ilang bata na ang posible nilang naibenta," ani NBI interpol chief Ronald Aguto.
    
"Baka kasama sila sa grupo na kumukuha ng mga nababalitang nawawalang mga bata sa hospitals natin," dagdag ng opisyal.

Depensa naman ni Joanna, nais lang umano niyang tumulong sa mga taong gustong mag-ampon.

Ang mga nagpakilalang magulang naman, nagdesisyon daw ibenta sa iba ang anak dahil nais mapabuti ang buhay ng bata.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 in relation to Cybercrime Prevention Act ang apat na nahuli.

Paalala ng NBI, hindi lamang ang mga nagbebenta ng sanggol ang makakasuhan kapag nahuli ang mga ganitong kalakaran pero pati ang mga nag-ampon na hindi dumaan sa legal na paraan.

"Iyung mga tumatanggap ng mga bata ay mas mapaparusahan din... Gayundin ang parusa para doon sa mga bumibili at tumatanggap ng mga bata," paliwanag ni Aguto.

KINONDENA

Sa pagdiriwang ng "Adoption Consciousness Celebration" ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mariin nilang kinondena ang pagbebenta ng mga sanggol sa social media.

Paglilinaw nila, hindi totoong mahirap ang mag-ampon sa legal na paraan.

May mga pribadong organisasyon ding nakikipagtulungan sa DSWD at sa mga taong nais mag-ampon.
    
Hinihikayat ng ahensiya ang lahat ng gustong mag-ampon na mag tungo sa DSWD.

"Ang adoption process ay hindi tedious... Para hindi tayo magkamali sa ating journey ng adoption, magpunta tayo sa mga opisina ng DSWD para mas mapabilis ang proseso ng adoption," ani DSWD assistant secretary Glenda Relova.

Ipinaalala rin ng isang hukom na kailangan talagang dumaan sa korte ang bawat pag-aampon.

"Very very very dangerous po 'yan. Puwede pong may mga participants diyan na mga traffickers... Walang adoption sa online. Kailangan ho talaga dadaan ng korte," babala ni Judge Lorna Chua-Cheng mula sa branch 168 ng Family Court-Marikina Adoption Board.

Naipasa na rin sa Senado ang Simulated Birth Rectification Act of 2018 na layong magbigay ng amnestiya sa pagsasaayos ng birth records ng mga batang inampon.

—Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.