Mga pasyenteng may tigdas sa ospital sa Tarlac nadagdagan

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2019 07:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nadagdagan ang bilang ng mga pasyenteng isinugod sa Tarlac Provincial Hospital sa Tarlac City dahil sa tigdas kasunod ng deklarasyong may outbreak o pagtaas ng bilang ng mga kaso ng naturang sakit sa Central Luzon at iba pang rehiyon sa bansa.

Nasa 22 ang dagdag na kaso nitong weekend dahil umabot umano sa anim hanggang walong pasyente kada araw ang dinadala sa ospital dahil sa tigdas.

Isa si Joy Lim sa mga ina na nagsugod ng anak sa ospital. Hindi raw niya napabakunahan ang dalawang taong gulang na anak kontra-tigdas.

"Sa hanging siguro, kasi dati inuubo lang siya, sinisipon tapos nilagnat siya, ayaw bumaba ng lagnat," kuwento ni Lim.

Isang sanggol na 21 araw pa lang ang pinakabatang tinamaan ng tigdas na dinala sa Tarlac Provincial Hospital.

May 12 bayan at isang lungsod sa Tarlac na may measles outbreak, ayon sa Department of Health (DOH) sa Central Luzon.

Nagdeklara noong Miyerkoles ang mga opisyal ng DOH ng measles outbreak sa Metro Manila at Central Luzon. Sinundan naman ito ng pagdeklara ng oubtreak sa mga rehiyon ng Calabarzon, Western Visayas, at Central Visayas.

Nadagdagan din ang mga pasyenteng hinihinalang may tigdas na isinugod sa San Lazaro Hospital sa Maynila.

Isa rito ang anak ni Charito Ople.

Ilang araw nang idinadaing ng siyam na taong gulang na anak ni Ople ang pananakit ng tiyan, at pagkakaroon ng rashes o mga pantal sa mukha, braso at binti.

"May mga lumalabas siyang mga pantal," ani Ople.

"Gusto ko pabakunahan... maka-sure ako sa anak ko na makalayo siya sa kapahamakan," dagdag ni Ople.

Tumulong na rin ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga pasyenteng sumugod sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila.

Naglagay ng tent ang PRC sa labas ng PGH para mabigyan ng atensiyon ang iba pang mga pasyenteng apektado ng naturang sakit.

Kapag kinulang, posible raw dagdagan ng PRC ang mga tent at magdagdag na rin ng mga double deck na higaan.

Maaaring mauwi ang tigdas sa mga komplikasyong gaya ng pagtatae, pulmonya, pagkabulag at pagkamatay.

Nanawagan ang mga health official at mga doktor sa publiko na magpabakuna para maiwasang magkaroon ng naturang sakit.

-- Ulat nina Elaine Fulgencio at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.