'Green jobs' na nakatutulong sa kalikasan, isinusulong ng pamahalaan

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2019 07:13 PM | Updated as of Feb 11 2019 06:49 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Marami nang trabahong pinasok ang 44 anyos na si Sabadisto Callos bago nagsimulang mamasukan sa isang planta sa Valenzuela.

Operator siya ngayon ng makina na nagre-recycle ng mga plastik at styrofoam.

Masaya si Callos dahil bukod sa pagiging regular na empleyado na may tamang sahod at benepisyo, ipinagmamalaki niya ang magandang bunga ng kaniyang trabaho.

"'Di naman po kami nakakasira sa kalikasan kasi nare-recycle namin," ani Callos.

Hinihikayat ngayon ng pamahalaan ang mga kompanya at establisimyento, maliit man o malaki, na bumuo ng mga trabahong gaya ng kay Callos, na tinatawag na "green jobs."

Ayon sa Philippine Green Jobs Act of 2016, ang "green jobs" ay mga trabahong nakatutulong o nagsusulong ng pangangalaga ng kalikasan.

Bukod sa ambag sa pangangalaga sa kalikasan, maituturing lamang na "green job" ang isang trabaho kung sumusunod din ito sa labor standards tulad ng pagbibigay ng tamang sahod at benepisyo, at paniniguro sa kaligtasan ng manggagawa.

Ang mga kompanyang makabubuo ng "green jobs" ay makakakuha ng tax incentive mula sa pamahalaan.

"It would encourage us to push more because right now what we are feeling is... nabe-blame ang produkto," ani Henry Gaw, president ng Polystyrene Packaging Council of the Philippines.

Target ng Climate Change Commission na maumpisahan ngayong taon ang pagbibigay ng incentives sa mga kompanyang makapagbibigay ng mga trabahong pasok sa pagiging "green jobs."

Magsasagawa ang Philippine Statistics Authority ng survey para matukoy kung ano-ano ang maituturing na "green jobs" at maging mas malinaw ang mga patakaran para sa mga kompanyang gustong maging bahagi ng programa.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.