Chinese na nagsaboy ng taho sa pulis 'posibleng i-ban sa tren, ipa-deport'

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2019 04:23 PM | Updated as of Feb 10 2019 07:04 PM

Inaresto ng mga awtoridad noong Sabado ang estudyanteng Chinese na si Jiale Zhang matapos sabuyan ng taho ang isang pulis na nakatalaga sa MRT-3 Boni Station. Retrato mula sa Department of Transportation

Irerekomenda ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagdeklara sa babaeng Chinese na sangkot sa pananaboy ng taho bilang "undesirable alien."

Ayon kay NCRPO chief Director Guillermo Eleazar, magiging basehan daw ang pagbansag na "undersirable alien" kay Jiale Zhang para mapa-deport ito o mapalayas sa bansa.

"We will recommend to the Bureau of Immigration that she be considered and declared as an 'undesirable alien,' which will eventually be the basis for her deportation," sabi sa isang pahayag ngayong Linggo ni Eleazar.

Inaresto noong Sabado si Zhang, isang 23 anyos na fashion design student, matapos sabuyan ng taho si Police Officer 1 William Cristobal sa MRT-3 Boni Station.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinangka ni Zhang na pumasok sa platform ng Boni Station nang may bitbit na taho, na ipinagbabawal dahil sa umiiral na liquid ban sa mga tren kasunod ng mga pagsabog sa Jolo, Sulu noong nakaraang buwan.

Namagitan lamang si Cristobal nang harangin ng MRT security si Zhang nang bigla nitong sinabuyan ang pulis.

"Tayo sa Pilipinas, we have rules and regulations here. Just like when we are in other countries, we also follow their rules and law. Kaya kung nasa local at foreign country tayo sundin natin ang batas na pinapatupad naman ng kapulisan. Respetuhin natin ang ating kapulisan," dagdag ni Eleazar sa pahayag.

Nahaharap sa patong-patong na kasong direct assault, disobedience to a person in authority, at unjust vexation ang dayuhan.

Ayon naman kay Transport Assistant Secretary for Communications Goddess Hope Libiran, posible ring kasuhan ng MRT-3 ng unjust vexation si Zhang at ipagbawal na makasakay pa sa linya ng tren.

Makikipag-ugnayan naman ang BI sa Department of Transportation at NCRPO ukol sa kaso at pag-aaralan ang mga susunod na hakbang, ani BI Spokesperson Dana Sandoval.

Para kay Vice President Leni Robredo, isang pambabastos ang ginawa ni Zhang hindi lamang sa kapulisan kundi sa buong Pilipinas.

Minaliit naman ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang insidente at sinabing puwede itong mangyari kahit saan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang anim na taon nang pabalik-balik ng Pilipinas si Zhang.

Dati siyang tumira sa Bacolod, Pasig at ngayon ay sa Mandaluyong.

May kapatid siyang nagtrabaho sa bansa pero umuwi na sa China noong Disyembre 2018.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.