Campaign materials ng national candidates pinababaklas bago mag-Martes

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2019 05:27 PM | Updated as of Feb 10 2019 09:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binigyan ng ultimatum ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kumakandidato sa national level na baklasin ang kanilang posters at iba pang campaign material bago pa man mag-umpisa ang campaign period sa Martes. 

Kabilang dito ang mga kumakandidato ng pagkasenador at party-list.

Utos ng Comelec, alisin na ng mga kandidato ang lahat ng posters, tarpaulins, o billboards na may mukha at pangalan nila dahil ilegal na daw ito pagsapit ng Pebrero 12 dahil pasok na sa campaign period. 

"Basically kung saan-saan man nakapaskil 'yun, violation 'yun automatically so pakitanggal po," ani Comelec spokesperson James Jimenez.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte, pinagbawalan ang kaniyang mga gabinete sa pangangampanya sa sino mang mga kandidato.

Giit niya, ayaw niyang mapagbintangan na gumagamit ng pondo ng goberyno. Pero gayunman, sinabi rin ni Duterte na may ilang kandidato siyang susuportahan.

"Hindi ako makialam sa politika. But I will be campaigning for those people napagkautangan ko ng loob," pag-amin niya. 

Sinagot naman ni dating Special Assistant to the President Bong Go ang isyu sa mga nagkalat niyang billboard at posters.

"Hindi po sa akin 'yan... Hindi ko na kontrolado sino ang naglalagay ng mga billboards... Pakiusap ko sa kanila kindly take it down, do not violate any election rules," giit ni Go.

Pero paliwanag ng Comelec, paglabag pa rin ito kahit sabihin ng kandidato na wala siyang kinalaman sa paglalagay ng campaign materials. 

"It doesn't matter because kung hinayaan niyo manatili 'yan, in violation of the campaign rules, then nakinabang kayo, kayo responsable," sambit ni Jimenez.

Ayon sa isang political analyst, marami pang kailangan baguhin sa sistema ng politika sa bansa, lalo na sa pangangampanya.

"I hope the Comelec can come up with something more categorical, saka enforcement kasi ang kailangan dito. Perhaps the only way we can get back at these candidates na hindi sumusunod sa regulations eh huwag na natin sila iboto," ani Edmund Tayao, political analyst.

Dagdag pa ni Tayao, kahit pa ipagbawal din ng Comelec ang pag-eendorso ng presidente sa mga kandidato, madalas hirap din ang Comelec na may mapanagot. 

"The endorsement of a president or any popular person for that matter carries a significant weight so kahit sabihin natin bawal or hindi puwede ito, that's precisely what is called for by the current political set up... Kasi basta political leader sila 'yung mas may poder, sila mas may power," hinaing ng analyst.

— Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.