5 arestado sa droga sa Cubao

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2019 08:00 AM | Updated as of Feb 10 2019 07:16 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA - Lima ang arestado sa magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na droga sa Cubao, Quezon City.

Hinuli sa gilid ng kalye ng West Point sa Brgy. E. Rodriguez sa Cubao nitong Linggo ng madaling-araw ang 40-anyos na si alyas "Bong" na target ng buy-bust ng Cubao Police Station.

Ayon kay S/Insp. Ramon Aquiatan, hepe ng drug enforcement unit ng istasyon, marami nang text sa kanila na nagsusumbong kay Bong na nagbebenta umano ng shabu sa mga konduktor at driver ng bus sa Cubao.

"Parang kendi na binebenta lang sa kalsada," ani Aquiatan.

Tumangging magsalita ni alyas Bong na dati na umanong drug surrenderer. Nakuhanan siya ng 17 sachet ng hinihinalang shabu.

Hinuli rin ang mga customer umano niyang sina alyas Pablo, 45, at alyas Dario, 28, na nakuhanan ng apat na sachet at mga drug paraphernalia.

Timbog din ang 29-anyos na babaeng si alyas "Jelly" na bumibili kay Bong ng 6 sachet.

"Nagi-iskor lang po ng bato," sabi ni Jelly.

"Isang beses pa pang ako lumukuha sa kanya. "

Sa kabuaan, nasa P13, 200 na halaga ng nasa 2 - gramong shabu ang nakumpiska.

Bago ito, naaresto naman sa hiwalay na buy-bust sa Gen. MacArthur St., Brgy. Socorro ang 42-anyos na si alyas Marlon na nakuhaan ng 12 sachet ng umano'y shabu.

Aminadong gumagamit ng shabu si Marlon na drug surrenderer sa Brgy. Kaunlaran at nakulong noong 2016.

Tumanggi naman siyang sagutin kung nagtutulak siya ng droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.