15 pamilya nawalan ng bahay sa sunog sa Cagayan De Oro

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2019 02:37 PM

Nilamon ng apoy nitong umaga ng Linggo ang nasa siyam na bahay sa Barangay Macasandig, Cagayan De Oro City. ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO CITY — Labinlimang pamilya ang nawalan ng bahay dahil sa sunog na sumiklab sa Barangay Macasandig sa lungsod na ito nitong umaga ng Linggo.

Bandang alas-11 ng umaga nagsimula ang apoy sa kusina ng isa sa mga bahay at mabilis na kumalat dahil gawa sa light materials ang mga bahay, ani Fire Inspector Sam Laurence Velarde.

Idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) na under control ang sunog alas-12:08 ng tanghali.

Siyam na bahay ang natupok at tinatayang aabot sa P300,000 ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian.

Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na tutukan at huwag iwanan ang ano mang niluluto sa kusina para makaiwas sa mga katulad na insidente.

--Ulat ni Maria Cecilia Butardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.