Trak, sumalpok sa poste sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 05:58 AM

Sumalpok ang isang six-wheeler container truck sa isang poste sa Quezon City Biyernes ng gabi.

Puyat ang itinuturong dahilan ng drayber ng trak na si Juanito Amiglio.

Tatlong oras lamang ang tulog daw ni Amiglio mula noong nakaraang araw at tuloy-tuloy siyang nagtrabaho hanggang sa nangyari ang aksidente.

Paliwanag din niya, hindi raw niya napansin ang concrete barrier sa center island.

Tumama ang trak dito at tuluyang sumadsad. Imbes na brake, silinyador ang kaniyang naapakan. 

Nabutas ang gulong kaya’t tuluyang humataw sa poste ng ilaw sa kabilang bahagi ng kalsada sa Mindanao Ave. corner Quirino Highway sa Novaliches.

Wala namang natamong sugat si Amiglio at ang dalawa nitong pahinante.

Subalit nagdulot ng bahagyang pagsikip ng daloy ng trapiko ang aksidente.

Nahirapan din ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paghatak ng trak dahil sa laki at bigat nito. - ulat ni Isay Reyes at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.