SOCO: Lalaki, nadiskubreng nangangaliwa, natagpuang patay sa bahay

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 03:17 PM

 

 

Sa loob ng 17 taong pagsasama, magkaakibat na itinaguyod nina alyas “Ariel” at “Vicky” ang kanilang pamilya. 

Nagmamaneho ng trak si Ariel samantalang si Vicky ang nag-aalaga sa dalawa nilang anak na sina alyas “Yani” at “Jeric.”

"Lagi kong nakikitang nagbibiruan silang mag-asawa. Nagtatawanan sila. Talagang maganda po 'yung samahan nilang mag-asawa," kuwento ng kapatid ni Vicky na si alyas “Amy.”

Pero noong Hunyo 2017, napansin raw ng mga kaanak ng mag-asawa ang pagbabago sa ugali ng dalawa.

“Parang napapansin ko na lagi na po silang nag-aaway, pero siyempre hindi kami nakikialam kasi away mag-asawa nga po. Naririnig ko na nagsisigawan sila,” pag-alala ni Amy.

May mga pagkakataon raw na hindi na umuuwi si Ariel sa kanilang tahanan.

“Si mama kasi hindi niya sinasabi, kahit si papa. Hindi siya nagsasalita na nag-aaway sila,” banggit ni Yani, panganay na anak ng mag-asawa.

Hindi naman makapaniwala si Yani nang makakita siya ng ilang "kahina-hinalang" gamit sa trak ng kaniyang ama.

"Kinalkal ko kasi nun 'yung trak ni papa. Nakita ko 'yung mga gamit pang-babae. Binasa ko po lahat. Kasi alam ko po 'yung babaeng may-ari nun eh, kasi may mga napkin," aniya.

"May love letter 'yung babae, "Tol" tawagan nila eh. Mahaba po 'yung letter."

Pero sa takot na magkaroon ng mas matinding alitan sa tahanan, sinarili ni Yani ang kaniyang nadiskubre.

“Parang ‘di kami nagkikibuan ni mama sa pinaggagawa ni papa. Si mama kasi akala niya hindi ko alam,” dagdag niya.

Kinompronta ni Yani ang ama sa kaniyang kaarawan noong Hulyo 2, 2017, pero natagpuan na niya itong patay sa kanilang tahanan.

"Tumingin na ako sa kuwarto nila papa, pero parang natutulog lang si papa. Parang wala na, parang namuti na lahat sa kaniya."

Sundan ang kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" tampok ang crime of passion ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!"
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.