Mga magsasaka, umalma sa paparating na bigas na inangkat ng NFA

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 08:01 PM | Updated as of Feb 10 2018 08:43 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Umaalma ang mga magsasaka sa parating na bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA) dahil sasabay umano ang mga ito sa panahon ng tag-ani.

Nakatakdang dumating sa susunod na buwan ang 250,000 metriko toneladang bigas na inangkat ng NFA, habang higit 3.5 milyong metriko toneladang palay naman ang inaasahang aanihin ng mga magsasaka.

Dahil dito, pinangangambahan ng local farmers na babagsak ang presyo ng kanilang palay.

Ayon sa grupo ng mga magsasaka, gusto sana nilang magbenta ng palay sa NFA pero mababa ang bili ng ahensiya na nasa P17 o P18 pesos kada kilo lamang. 

Naibebenta naman nila ito sa mga pribadong trader ng hanggang P22 pesos kada kilo. Mataas din daw kasi ang puhunan nila sa pagtatanim.

"Ang laki-laki naman ng gastos sa production Halos wala kaming kinikita at napupunta lahat sa gastos sa pagtatanim . . . Kulang kami sa mga gamit," ani Zenaida Soriano ng grupong National Federation of Peasant Women (Amihan).

Sa datos ng Department of Agriculture (DA), nasa higit 4 na metriko toneladang palay lang ang naaani sa bawat ektaryang lupa ng local farmers.

Target ng DA na itaas ito sa 6 na metriko tonelada sa pamamagitan ng pagbibigay ng training sa bagong teknolohioya at access sa credit o pautang ng magsasaka. 

Samantala, naghayag ng pagtutol ang isang consumer group sa pag-angkat ng bigas at pagpataw ng buwis dito.

"Ang impact nito sa mga magsasaka ay mabigat. Mula nu'ng nag-i-import tayo hindi na talaga bumaba ang presyo ng bigas . . . The consumers will bear the expense," ani Cathy Estabillo ng grupong Bantay Bigas.

Nauna nang sinabi ng NFA na kailangan nilang mag-angkat ng bigas dahil ramdam ang kakulangan nito at nagkakaubusan na sa maraming lugar.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.