Lalaking kasabwat umano sa serye ng nakawan sa Laguna, tiklo

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 10:03 AM

Arestado si Hannibal Tuliao, ang umano'y pinaghihiraman ng armas ng isang grupong nasa likod ng serye ng nakawan sa Laguna. Photo courtesy of Calauan Police

CALAUAN, Laguna - Naaresto ng Calauan Police ang isang lalaki dahil sa pag-iingat umano ng ilegal na armas na ginagamit ng isang grupong nasa likod ng serye ng nakawan sa lalawigan.

Huli si Hannibal Tuliao matapos ireklamong nagwawala at nagpapaputok ng baril sa Barangay Dayap dito noong Pebrero 1. Nakumpiska sa kaniya ang isang paltik, o isang improvised na .38 caliber na baril.

Ayon sa pulisya, itinuturo rin si Tuliao ng naunang naarestong suspek na si Jonel Arevalo na siya umanong pinaghihiraman nito ng baril tuwing may target na pagnakawan ang kaniyang grupo.

Pero itinanggi ito ni Tuliao.

"Wala po akong koneksyon sa kaniya. Ngayon ko lang po nakilala 'yan dito, hindi ko po kasama 'yang mga 'yan, napagbibintangan lang po ako," ayon kay Tuliao.

Naiugnay si Arevalo sa sunod-sunod na insidente ng nakawan sa ilang establisyemento sa lalawigan dahil sa kaniyang tattoo na tumutugma sa taong nakita sa isang CCTV footage. 

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang iba pang miyembro ng grupong responsable sa serye ng nakawan sa lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.