Inireklamong ‘patay-sinding’ kotse, isinisi ng DTI sa complainant

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 07:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naglabas na ng desisyon ang isang sangay ng Department of Trade and Industry (DTI) sa reklamo ng isang konsumer kaugnay sa nabili niyang sasakyan na umano'y namamatayan ng makina.

Sa pagsusuri ng DTI, lumabas na nag-ugat ang problema sa istilo umano ng pagmamaneho ng complainant.

"[T]he proximate cause of the stalling of the subject vehicle was complainant's driving habits or lack of familiarity with the dual clutch transmission (DCT) . . . [C]omplainant's driving style is only applicable to that of a vehicle with an AT and not for vehicles with a DCT," saad ng desisyon ng DTI—Fair Trade and Enforcement Bureau (FTEB).

Sa makatuwid, ayon sa DTI, kasalanan ng complainant na si Allan de Castro at hindi ng Kia kung bakit namamatay ang Soul na sasakyan na nabili. 

Sanay raw kasi si De Castro sa pagda-drive ng awtomatikong sasakyan at hindi sa dual clutch transmission gaya ng nabiling Kia Soul.

Disyembre 2017 nang maghain ng reklamo sa DTI si De Castro at Enero 18 ngayong taon naman ito dininig.

"Actually there is a sign in the car that tells you how to operate it . . . So Mr. De Castro should've known that it's a different kind of vehicle not the usual automatic," ani Attorney Juan Victor Valdez, legal counsel ng Kia-Columbian Autocar Corp. (CAC).

Ipinaliwanag din ng Kia kung bakit nanginginig at namamatayan ng makina habang nagmamaneho si De Castro.

"Automatic 'yung ginagawa niya . . . Ginaganun niya agad 'yung accelerator which is, when you are driving the manual transmission, 'di ba dapat dahan-dahan mong anuhin, dapat suwabe," paliwanag ni Dindo Aquino, business development manager ng KIA-CAC.

Pero tanong ni De Castro, bakit pinalitan ang piyesa kung walang diperensiya ang kaniyang sasakyan. Iaapela rin daw niya ang desisyon sa Office of the DTI Secretary.

"Gusto ko ilaban ito kasi marami na nag-message sa akin na sila din nakaranas ng ganito," ani De Castro.

Pero paninindigan ng KIA-CAC, walang problema sa kanilang unit.

"I don't see how the findings can be different. We already alleged in the position paper that an expert in Korea, from Kia came over here, test-drove the vehicle along with two mechanics and there is nothing wrong," ani Valdez.

Sa desisyon din ng DTI-FTEB, iminungkahi nila na turuan ng Kia Marcos Highway branch si De Castro ng tamang pagda-drive ng kaniyang Kia Soul.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News