Higit 1,500 armas, isinuko sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 05:33 PM | Updated as of Sep 06 2018 12:25 AM

Nasabat ang 1,539 na armas sa Pangasinan sa pinaigting na kampanya laban sa loose firearms sa probinsiya. Joanna Tacason, ABS-CBN News

Nasabat ang 1,539 na armas sa Pangasinan sa pinaigting na kampanya laban sa loose firearms sa probinsiya.

Nitong Sabado, itinurn-over ng Pangasinan Provincial Office ang mga nasabat na armas sa Regional Civil Security Group ng Police Regional Office 1.

Ayon kay Police Chief Supt. Romulo Sapitula ng PRO-1, pinakamaraming nakumpiskang baril sa Pangasinan sa buong rehiyon dahil marami ang registered gun owners.

Karamihan sa mga baril na nakumpiska ay walang lisensya o paso na ang lisensya. Kaya malaki rin daw ang pasasalamat ng pulisya sa mga gun owners na nag-surrender na kanilang mga baril na hindi nai-renew ang lisensya. Posible raw kasing magamit sa krimen ang mga loose firearms na ito.

Dagdag pa ni Sapitula, malaking hamon pa rin para sa kanilang hanay ang pagsawata ng loose firearms lalo't nalalapit na ang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo. 

Hinihikayat ng pulisya ang lahat ng gun owners na mag-renew ng mga lisensya at permit para hindi makasuhan ng paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.