DA, magbubukas ng sariling bigasan kontra ‘pananamantala’ sa NFA shortage

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 04:40 PM

Inaalmahan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel "Manny" Piñol ang umano'y pananamantala ng mga rice retailer sa sinasabing shortage ng NFA rice sa merkado.

"Ginagawa lang nilang dahilan 'yung shortage ng NFA rice, and by sila I mean the rice traders. Bakit mo itataas ang presyo porke walang NFA rice? Tumaas ba ang bilihan ng mga palay ng magsasaka?" hinaing ni Piñol.

Upang tugunan at masupil ang "pananamantala" ay magbubukas ang DA sa Pebrero 14 ng kanilang sariling tindahan ng bigas na tatawaging "TienDA Bigasan para sa Masa" program.

Itatayo ang tindahan sa labas mismo ng opisina ng DA sa Quezon City, kung saan magbebenta sila ng bigas na nasa ₱38/kilo.

"We will prove to the people of Metro Manila na hindi dapat ₱45 o ₱50 ang presyo ng bigas," ani Piñol.

"Initially siguro meron kaming 4,000 bags ng 25-kilo bag rice at ito ay ibebenta natin sa presyong ₱38 per kilo, which is a lot cheaper with that in the market," paliwanag ng kalihim.

Kukuhanin ang mga ibebentang bigas sa mga kooperatiba ng magsasaka.

Plano rin ni Piñol na dalhin sa iba pang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao ang nasabing programa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.