Coffee shop sa Cainta, nilooban ng empleyado; kita at tip box sinimot

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 08:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan ng CCTV ang pagtangay ng isang empleyado ng coffee shop sa kita ng tindahan at laman ng tip box sa Cainta, Rizal.

Sa kuha ng CCTV noong Martes ng gabi, makikitang pumasok ang suspek na si Roy Nerbiol sa loob ng coffee shop.

Hinugot nito ang Wi-Fi sa pag-aakalang mapuputol na ang recording ng video. 

Dumiretso si Nerbiol sa kaha at nang hindi niya ito mabuksan, inisa-isa naman niya ang mga drawer, hanggang sa makita kung saan nakalagay ang kita ng tindahan na nasa humigit kumulang P10,000.

Hindi rin pinatawad ng suspek ang tip box na nasa P2,000 ang laman.

Dismayado naman ang may-ari na si Patricia Lising-Santos sa pagnanakaw ng kanilang empleyado.

Ayon kay Santos, hindi nila inaasahan ang ginawang pagnanakaw ni Nerbiol dahil naging mabait naman siya.

Halos isang taon na raw sa kanila si Nerbiol, kaya nagtiwala na rin sila at binigyan ng sariling susi ang empleyado.

Nagpa-blotter na sa barangay at pulis ang may-ari ng coffee shop, pero napag-alamang nagtatago na sa probinsiya ang suspek.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.