Bilyong halaga ng mga pekeng sigarilyo, nasabat sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 08:14 PM | Updated as of Aug 15 2019 12:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bilyon-bilyong pisong halaga ng umano'y pekeng sigarilyo at tax stamps ang nasabat ng mga tauhan ng CIDG Region 3 at Philippine Drug Enforcement Agency sa isang warehouse sa Guiguinto, Bulacan.

Bitbit ang search warrant, pinasok ng mga awtoridad ang warehouse sa RIS Complex sa Guiguinto.

Tumambad ang pagawaan ng sigarilyo na kumpleto sa makina, daan-daang cigarette sticks, kahon-kahong mga pekeng tax stamps, at mga label at packaging ng iba't ibang brand ng sigarilyo.

Mahigit 70 empleyado mula Mindanao ang nagmamando sa paggawa ng pekeng sigarilyo na madalas naibebenta umano sa Metro Manila.

Marumi, maalikabok at masangsang ang amoy sa loob ng pagawaan. Ang tulugan ng mga empleyado ay nasa loob mismo ng warehouse.

Ayon kay Roger Demerin, isa sa mga trabahador, hindi nila alam na ilegal ang pinagtatrabahuhan nila at tinitiis umano lamang nila ang masangsang na amoy ng pagawaan dahil sa kawalan ng trabaho sa pinanggalingan nila.

Sinasabing pagmamay-ari ang warehouse ng Chinese national na si Edward Ynoy Ang.

Tikom naman ang bibig ng Chinese caretaker ng pagawaan. 

Ayon sa Japan Tobacco Inc., peke ang mga nahuling sigarilyo at hindi awtorisado ang manufacturer nito.

"We commend the BIR, the LGU of Bulacan and law enforcement authorities for this successful raid on a secret factory producing illicit cigarettes," ayon sa pahayag ni Manos Koukourakis, presidente ng kumpanya.

Isang nagngangalang Ivan Lee ang may pakana umano sa paggawa ng pekeng produkto ng Mighty cigarettes. 

Kasong paglabag ng intellectual property rights ang haharapin ng may-ari ng warehouse. 

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.