ALAMIN: Kaibahan ng civil at church annulment

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 04:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang annulment ay isang pamamaraan para mapawalang-bisa ang kasal. Maaari itong aprubahan sa korte o sa simbahan.

Ngunit ano nga ba ang pagkakaiba ng civil at church annulment? Tinalakay ito ni Atty. Claire Castro sa programang "Usapang de Campanilla" Biyernes.

Ayon kay Castro, ang civil annulment o annulment na idineklara ng korte ang kinikilala ng batas sa bansa. Maaari umanong mapawalang-bisa nito ang kasal sa simbahan o sa huwes.

Samantala, ang church annulment naman ay idinedeklara ng simbahan. Sa pamamagitan nito ay maaari muling magpakasal sa simbahang Katoliko ang nakipaghiwalay, ayon kay Castro.

Sa kasalukuyan, hindi kinikilala ng batas ang church annulment at hindi pwedeng gawing basehan para mapawalang-bisa ang kasal.

Ngunit ayon kay Castro, maaari umanong mabago ito kapag napatupad ang isang panukalang batas sa Kongreso.

"Sa panukala, dito sa House Bill 6779, kung ito'y magtutuloy-tuloy na maging batas, kikilalanin na 'yung mga desisyon ng Church sa mga nullity of marriage . . . hindi ka na pupunta sa korte," sinabi ni Castro.

Payo naman ni Castro, siguraduhin na handa na bago magpakasal. 

Kung hindi na umano maganda ang relasyon at naaapektuhan na ang mga anak, mas mabuti na umano ang maghiwalay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.