4 timbog sa droga sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 09:47 AM

Apat ang arestado sa magkakahiwalay na operasyon kontra-droga sa Metro Manila.

Balik kulungan si Randy Corpuz, 30, matapos mahulihan ng ilegal na droga sa loob mismo ng kaniyang bahay sa Malate, Maynila.

Nasamsam sa kaniya ang 13 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P4,000 at isang kalibre .38 na baril.

Ayon kay Senior Insp. John Lobaton ng Manila Police District (MPD) Station 9, nagsilbi sila ng search warrant laban kay Corpuz matapos ang ilang araw na surveillance.

Depensa naman ng suspek, planted umano ang mga ebidensya.

Sa Maynila pa rin, kalaboso naman si Lilibeth Relomen, 37, sa ikinasang buy-bust operation sa Sta. Cruz.

Nakumpiska mula sa suspek ang 7 sachet ng hinihinalang shabu.

Samantala, huli naman sina Jommel Tabuac, 29, at Crisanto Vergara, 46, sa Barangay E. Rodriguez Sr., Cubao, Quezon City.

Ayon kay Supt. Louis Tremor, hepe ng Quezon City Police District Station 7, target ng kanilang operasyon si Vergara na supplier umano ng droga sa mga tricycle driver.

Narekober sa mga suspek ang 10 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,000.

Inamin ng mga suspek na gumagamit sila ng shabu. Itinuro naman ni Tabuac si Vergara na siyang pinagkukuhanan niya ng droga. -- ulat nina Jervis Manahan, Lyza Aquino at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.