4 na bahay nasunog sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2018 10:57 PM

Sumiklab ang sunog sa Galvez Drive, Barangay Mampang sa Zamboanga City Sabado ng hapon. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY—Hindi bababa sa 4 na bahay ang tinupok ng apoy sa sunog na sumiklab sa Galvez Drive, Barangay Mampang Sabado ng hapon.

Nagsimula umano ang apoy sa bahay ng isang Zando Bejerano at mabilis kumalat sa mga katabing bahay.

Wala namang nasugatan sa insidente ngunit halos wala rin naisalbang mga gamit ang mga nasunugang residente.

Umabot umano ng halos 20 minuto lamang bago natupok ang mga bahay, ani Fire Supt. Jhufel Brañanola.

Dagdag pa ni Brañanola, nahirapan ang mga bombero na makarating sa lugar na pinangyarihan ng sunog dahil may kalayuan ito sa fire station at makitid ang daanan papunta roon.

Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.